Advertisers
SA dalawang magkahiwalay na unanimous na botohan, nagtala ng tig-53 boto ang House Committee on Justice upang ideklara na may probable cause para i-impeach si Bise Presidente Sara Z. Duterte, matapos aprubahan nang walang pagtutol ang mga reklamong inihain nina Saballa at Cabrera nitong Miyerkules.
Nagbubukas ng daan ang magkaparehong pasya para sa paghahanda ng ulat ng komite at kaukulang resolusyon para sa susunod na yugto ng proseso ng impeachment.
Isinagawa ang botohan nang ihain ni Pinoy Workers Party-list Representative. Franz Legazpi ang mosyon upang tukuyin ang probable cause sa bawat reklamo—isang hakbang na nagdala sa pagdinig sa pinakamahalagang bahagi nito.
“Panahon na para bumoto kung mayroong probable cause sa bawat reklamo,” ani Legazpi.
Matapos ang botohan, iminungkahi ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na pagsamahin ang dalawang reklamo sa impeachment, dahil nakabatay ang mga ito sa iisang batayang konstitusyonal at magkakaugnay na mga akto. Agad itong sinuportahan, at inatasan ni House Committee on Justice Chair, Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ng Batangas ang paghahanda ng ulat at pagpapadala nito sa mga complainant, respondent, at miyembro ng komite.
Nagbibigay-daan ang resulta ng botohan upang isumite ng komite ang ulat at ang Articles of Impeachment sa plenaryo, kung saan kinakailangan ang boto ng isang-katlo ng lahat ng miyembro ng Kamara upang tuluyang ma-impeach ang bise presidente at maipasa ang kaso sa Senado para sa paglilitis.
Unang ipinatawag ni Luistro ang botohan para sa reklamong Zaballa, at tiniyak na may sapat itong second. Dahil walang tumutol, itinuring itong unanimous vote alinsunod sa patakaran ng komite, bagamat pinataas parin ang mga kamay ng mga miyembro para sa opisyal na talaan.
“Para sa rekord, walang tumutol, kaya ang mosyon ay aprubado sa pamamagitan ng unanimous vote,” pahayag ni Luistro, sabay dagdag na 53 miyembro ang nagpahayag ng suporta.
Sinundan ito ng botohan para sa reklamong Cabrera, na nakakuha rin ng 53 boto at walang pagtutol.
Bago ang botohan, inilatag ng mga endorser ang kanilang buod at pinal na pahayag.
Ayon kay De Lima, nakita ng komite ang malinaw na pattern ng maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Binanggit niya ang testimonya ni Ramil Madriaga, mga natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI), mga disallowance ng Commission on Audit (COA), at sertipikasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maraming pangalan sa resibo ay walang rekord.
“Matapos ang mga pagdinig at ebidensya, malinaw ang ating konklusyon: mayroong probable cause. Hindi na ito basta alegasyon lamang,” ani De Lima.
Tinukoy rin niya ang hindi maipaliwanag na yaman, kabilang ang hindi pagdedeklara ng cash at bank deposits sa SALN sa loob ng anim na taon, at ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa P6.77 bilyong kahina-hinalang transaksyon.
Samantala, binigyang-diin ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante ang testimonya ni Madriaga hinggil sa mabilis na paglabas ng P125 milyon sa loob ng 24 oras, gayundin ang sinasabing ugnayan sa POGO at ilegal na droga.
“Paano naging simple ang buhay kung may daan-daang milyong pisong dumadaloy sa accounts na hindi maipaliwanag?” tanong ni Abante.
Dagdag pa niya, seryosong usapin ang mga pahayag ukol sa umano’y banta sa Pangulo at iba pang opisyal, at hindi ito dapat ituring na biro.
“Ang ganitong asal ay malinaw na Betrayal of Public Trust at paglabag sa Konstitusyon,” ani Abante.
Sa kanyang pagtatapos, iginiit niyang sapat na ang ebidensya upang ituloy ang impeachment at dalhin ang kaso sa Senado.
“May sapat na ‘usok’ para patunayang may ‘sunog’. Panahon na para dalhin ito sa Senado at hanapin ang katotohanan,” diin ni Abante.