Advertisers

Advertisers

BAGAHE NG MGA SENADOR NI CAWATANO

0 9

Advertisers

KAHIT tagumpay ang kanilang kudeta sa Senado, hindi maituturing na matibay ang liderato ni Alan Peter Cawatano. Kapag kumilos si BBM at kahit ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno lalo ang Hudikatura, maaaring matibag si Cawatano anumang oras kahit ano pa ang gawin nila. Kumpas lang ni BBM ang kulang. Ngayon, mistulang isang payaso na tumutulay sa alambre si Cawatano. Maaaring mahulog, malamang malaglag sa kawalan.

Hindi lumpong pato, o lameduck, si BBM. Nanatili sa kanya ang poder bilang pangulo. Ang tanging mayroon si Misfit Sara ay ang mga bilyones na ninakaw ng kanyang pamilya mula sa kaban ng bayan at nakakasukang negosyo sa droga. Iyon ang kanyang pansuhol sa maraming Hudas na isinangla ang kaluluwa dahil sa pera. Hinuhuthutan siya ng mga tiwaling kakampi.

May mga malinaw na bagahe ang maramin sa alyansa ng 13 senador. Nahaharap si Tricky Tsis, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada sa sakdal na plunder sa pagkakasangkot sa flood control scam. Sa sandaling sumulong iyan at inaasahan iyan sa susunod na tatlong buwan, hihimas ng rehas na bakal ang sinuman o alinman sa tatlong tiwaling senador.

May hinaharap na legal at administrative isyu ang kompanya ng mga Villar. Hindi biro ang usapin ng insider trading na ibinibintang sa kanila sa husgado. Kung tutuloy ang isyu na iniharap ng Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa kanila sa hukuman, tuluyang mapilay ang kompanya ng mga Villar. Ito ang dahilan kaya sumusugal sila kay Misfit Sara.

May isyu si Loren Legarda, ang balimbing na pangalawa kay Cawatano sa liderato. Nais niyang pagtakpan ang tiwaling anak na kongresista. May sakdal si Leandro Leviste sa kabiguan na tuparin ang kontrata sa gobyerno na abot P36 bilyon sa enerhiya. Nahaharap siya hinihinging multa na P24 bilyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa hindi pagtupad ng kontrata. Makukulong ang anak kapag sumulong ang mga sakdal laban sa kanya.

Si Loren ang lumakad sa prangkisa ng anak sa Kongreso. Si Gongdi ang pumagitna upang ibigay ang prangkisa. Walang dahilan upang hindi pumanig kay Misfit Sara si Loren, ang balimbing na senadora. Oportunista si Loren at kakampi sa kung sino ang magbibigay ng biyaya sa kanila.

May mga bintang si Ping kay Rodente. May ibigay umano si dating DPWH undersecretary Rose Cabral ng P500 “allocabes” sa kanya, ayon kay Ping. Kapag sumulong ito, tuluyang mabibisto ang kanyang sariling anomalya. Mahilig magmalinis si Rodente kahit bistado na tiwali rin siya.

Ngayon, nangunguna si Tricky Tsis sa mga nanganganib. May hold departure order na ibinaba ang Office of the Ombudsman laban sa kanya. Hindi siya makapagliwaliw sa ibang bansa. Hindi malayo na sumunod si Joel at Jinggoy na kinilalang sangkot sa flood control scam. Ngayon, protektado sila ng kultong Iglesia Ni Cristo (INC) kahit itinuro sila ng mga nangumpisal na saksi na tumanggap ang daan-daang milyones.

Tanging ang magkapatid na Cawatano at Camoteng Robin ang walang maituturing na bagahe sa ngayon. Pero huwag silang kasisiguro. Walang isinumite si Cawatano na financial record kaugnay ng kanyang pagiging pinuno sa 2019 Southeast Asian Games (SEA Games). Hindi pa ito nahuhukay kahit bilyon bilyon piso ang nawaldas umano dito.

***

ANO ang mangyayari kapag sumulong ang mga dalang bagahe ng mga senador na kakampi ni Cawatano? Hindi mahirap agawin ang liderato sa kanya. Hindi magtatagal si Cawatano. Sa huli, mistulang basang sisiw na bababa iyan sa poder.

Hindi niya puedeng gamitin ang mga salita sa Bibliya dahil alam ng maraming Kristiyano na peke siya bilang Kristiyano. Kakampi siya sa mga kampon ng kadiliman. Sinuportahan niya ang war on drugs ni Gongdi. Ipinangalandakan pa niya sa pulong ng United nations General Assembly na may pitong milyong adik sa bansa. Hindi ito totoo at walang siyang batayan upang sirain ang bansa. May sira din sa ulo si Cawatano.

Pinakamaiging magretiro na ang mga tiwaling kasapi ng Senado. O tuluyan na silang alisin dahil wala silang silbi. Para hindi na makapaghahasik ng lagim s mundong ibabaw.

***

KAKATWA ang tagpo sa Senado noong Lunes. Nang akmang dadamputin siya ng mga ahente ng NBI dahil lumabas na siya sa lungga pagkatapos ng anim na buwan na pagtatago, kumaripas ng takbo si Bato. Hindi lang duwag si Bato. Sinungaling pa. Hindi siya nakipagbuno sa mga huhuling NBI agent. Tumakbo siya dahil duwag.

Nilulon niya ang kanyang pagkalalaki. Kinalimutan niya na isa siyang “kagalang-galang” na mambabatas. Hindi siya nalalayo sa isang kriminal na ayaw humarap sa kanyang krimen. Naging katawa-tawa siya sa mata ng sanlibutan. Duwag si Bato. At iyan ang totoo.

Pinakamasakit na iyan ang itawag sa kanya ng kamukha niyang graduate sa Philippine Military Academy (PMA). Teka nga pala, “isinailalim ng “protective custory” ng Senado si Bato, sa ilalim ni Cawatano. Hindi nagbibigay ng proteksyon iyan. Hindi ibig sabihin, hindi na maaaring hulihin si Bato.

Ang ibig sabihin ay madaling hulihin si Bato. May sandaling ipatupad ang utos, alam ng ng mga awtoridad kung nasaan si Bato. Hindi na siya maaaring magtago dahil kapag nagtago, si Cawatano ang may pananagutan. Mananagot si Cawatano, sa maikli.