Advertisers
IGINIIT ni retired Supreme Court associate justice Adolfo Azcuna na maituturing ng “moot and academic” o wala ng saysay at akademiko na lamang ang petisyon ng Cateyano bloc sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng sesyon sa Senado noong Hunyo 3.
Ayon kay Azcuna, ito ay dahil nakakuha na ang bagong halal na Senate President na si Sen. Sherwin Gatchalian ng mayorya o 13 boto sa isinagawang special session noong Hunyo 17.
Liban pa rito, nag-concede na rin si Senator Alan Peter Cayetano bilang Senate President.
Kayat ayon sa retiradong mahistrado, maaaring ibasura na ng korte ang petisyon dahil sa pagiging moot at academic nito.
Ani Azcuna, nakadepende na sa Korte Suprema kung ipagpapatuloy pa nito ang pagdinig sa naturang petisyon. Subalit sa palagay ni Azcuna, hindi pipigilan ng Korte Suprema ang isang co-equal body na ipagpatuloy na gampanan ang mandato nito sa ilalim ng konstitusyon.
Matatandang inihain ang petisyon noong Hunyo 16, na kumukwestyon sa legalidad ng June 3 session, kung saan idineklarang bakante ang lahat ng posisyon at inihalal si Senador Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.
Iginiit ng Cayetano bloc na walang quorum nang isagawa ang naturang hakbang noong Hunyo 3.
Nauna naman ng sinabi ni Gatchalian na ipinapaubaya na niya sa Korte Suprema ang pagpapasya sa naturang petisyon.