Advertisers
ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukala na hindi pagpapaswelduhin ang mga araw ng matataas na opisyal kapag ito ay absent nang walang malinaw na dahilan.
Sa isang panayam, sinabi ng Senador, kasama sa panukalang batas ang pangulo, bise-presidente, senador, congressman, other elected officials, cabinet secretaries, at department heads.
“Nakakahiya naman na yung mga tao namin o ordinaryong government employees ay walang sweldo kapag absent, pero kami na mga opisyal maski ilang linggo o buwan na absent, may sweldo?” ani Sen. Tulfo.
Kasama sa panukala ni Tulfo ang hindi pagbibigay ng mga allowances sa mga opisyal na absent without proper leave.
Anang mambabatas, “nakasanayan na at walang sumisita kahit na absent pero sumasahod. Dahil high ranking opisyal, sino ang maninita sa amin di ba?”
“Dapat pantay-pantay–ordinary employee o high ranking man, no work, no pay ang lahat,” saad ng neophyte na senador.
Matatandaang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay nag- absent sa senado ng anim na buwan pero patuloy na sumasahod.
Kaya naman nang arestuhin si Sen. Jinggoy Estrada noong nagdaang buwan, siya mismo ang nakiusap na putulin din ang pagpapasahod sa kanya.
“Saludo naman ako kay Senador Jinggoy na bagama’t hindi pa naman convicted, pero dahil hindi na siya makakapasok sa Senado, nagkusa na siya, nagsabi na wag na siyang paswelduhin. ‘Yon ang tama,” dagdag pa ni Tulfo.