Advertisers
Mahigit 850 katao mula sa 243 pamilya ang lumikas at kasalukuyang nakasilong sa mga evacuation center sa Maynila dahil sa ilang araw nang walang tigil na pag-ulan dulot ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Manila Department of Social Welfare (MDSW).
Pinakamaraming evacuee ang naitala sa Barangay 101 Evacuation Center sa unang distrito ng lungsod. Ayon sa ulat ni Manila City Social Welfare Officer Jay R. Dela Fuente hanggang alas-8 ng umaga, 150 pamilya o 471 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. 101-OVP Building.
Sa District 5, sinabi ni Dela Fuente na 35 pamilya o 155 indibidwal mula sa Barangays 738 at 800 na malapit sa Tripa de Galina sa San Andres, Manila, ang inilikas patungo sa evacuation center ng District Welfare Office V.
Samantala, 54 pamilya o 211 indibidwal ang nananatili sa Baseco Evacuation Center, habang apat na pamilya o 18 indibidwal mula sa Barangay 598 ang sumilong sa Likha Court sa District 6.
Ayon kay Dela Fuente, patuloy na binibigyan ng tulong ang mga evacuee, kabilang ang maiinit na pagkain gaya ng champorado, lugaw at noodles, gayundin ng meryenda, tanghalian at hapunan. Namamahagi rin ng ready-to-eat meals at bottled water.
Tumanggap din ang mga evacuee ng damit, modular tents at sleeping mats habang patuloy ang pag-ulan sa lungsod.(BP)