Advertisers

Advertisers

ISKO, BINURA ANG 4-TAONG BACKLOG: P173.6-M IPINAMAHAGI SA 260 RETIRADO!

0 5

Advertisers

Ipinamahagi ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Martes, Agosto 11, ang mahigit P173 milyon na terminal leave benefits sa 260 retiradong empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na matagal nang naghihintay sa kanilang benepisyo.

Sa seremonya sa Bulwagang Villegas, sinabi ni Domagoso na ilan sa mga retirado ay umaabot na sa apat na taon ang paghihintay upang matanggap ang perang nararapat sa kanila.

Ayon sa alkalde, agad niyang ipinagawa ang paglilinis sa backlog nang maupo siya bilang mayor noong nakaraang taon.



“Ano ang mararamdaman mo kung ang siyudad na pinagtrabahuhan mo ay siya pang hindi magbibigay ng bagay na dapat lamang sa iyo?”

Kabuuang P173,669,852 ang inilabas ng lungsod para sa 260 retiradong empleyado, na hinati batay sa haba ng kanilang serbisyo—mula sa wala pang 10 taon hanggang sa mga naglingkod nang mahigit 40 taon.



Pinakamalaki ang grupo ng mga nagsilbi nang 31 hanggang 40 taon, na binubuo ng 91 empleyado at tumanggap ng kabuuang P83.2 milyon.

Samantala, 24 empleyado naman na naglingkod nang mahigit 40 taon ang tumanggap ng pinagsamang P43.4 milyon.



Sinabi ni Domagoso na 80 porsiyento ng mga tumanggap ng tseke ay nagretiro sa ilalim ng kanyang kasalukuyang termino, habang ang natitirang 20 porsiyento ay matagal nang naghihintay mula pa sa mga nakaraang administrasyon.

Binalikan din ng alkalde ang problema noong una niyang termino kung saan hindi umano naipasa sa GSIS ang mga kontribusyon ng mga empleyado kahit kinakaltas ang mga ito sa kanilang suweldo.

Anya, inayos niya ang obligasyon ng lungsod at nagbayad ng mahigit P200 milyon, kabilang ang mga penalty, upang maging kuwalipikado ang mga retirado na makuha ang kanilang GSIS benefits.

“Hindi natin maaaring pabayaan ang ating mga kapwa lingkod-bayan na naglingkod nang 10 taon, 11 hanggang 20 taon, 21 hanggang 30 taon, at sa mga nagsilbi nang 31 hanggang 40 taon,” pahayag ni Domagoso.

Ipinangako rin ng alkalde na hindi na muling maghihintay nang matagal ang mga retiradong empleyado para sa kanilang benepisyo.

“Kapag nakumpleto mo ang iyong mga clearance, kinabukasan may tseke ka na.”

Nagpasalamat din si Domagoso sa mga retiradong empleyado sa kanilang mga taon ng serbisyo at personal na sakripisyo para sa mga taga-Maynila.

“Pinaghirapan at pinagpaguran ninyo ito. Deserve ninyo ito.”(BP)