Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
BUKOD sa pagiging artista, abala si Benjamin Alves sa pagiging negosyante
Si Ben (palayaw ni Benjamin) ang nagmamay-ari ng online flower shop business na House of Roses na ang produkto ay naggagandahan at naglalakihang Ecuadorian roses.
At kahit may pandemya dahil sa coronavirus, hindi napigilan ang mga tao, lalo na ang mga kalalakihan, na bumili ng bulaklak para sa kanilang mga mimamahal, kaya naman mahigit isang linggo ng aligaga ang mga tauhan ni Ben para asikasuhin ang napakarami nilang orders para sa Araw ng Mga Puso ngayon, February 14.
Kausap namin si Ben nitong Huwebes at noong araw na iyon, soldout na ang mga bulaklak nila.
Isa si Benjamin sa mga tao na sa halip na igupo ng depresyon at kawalan ng pag-asa dahil sa pandemya, naging positibo ang pananaw at nagbukas ng negosyo online; Agosto last year nagsimulang umandar ang flower business ni Ben.
Samantala, dahil isa siya sa prized talent ng Empire.PH ni Jonas Gaffud, isang Zoom interview ang ginanap nito ngang Huwebes, para kay Benjamin na may bagong show simula ngayon, ang Owe My Love sa GMA.
Isa ang Owe My Love sa naapektuhan ng pandemya dahil kasisimula pa lamang ng taping ng naturang show ay nagkarooon na ng lockdown March last year.
Nahinto ang taping nila pero makalipas ang ilang buwan ay nagbalik-taping ang cast and production sa ilalim ng new normal at mahigpit na pagsunod sa mga health protocols.
Sa kasalukuyan nga ay naka-lock in taping sina Benjamin (at cast members na sina Lovi Poe, Ai Ai delas Alas at iba pa) sa Bulacan.
Ito ang dahilan kaya walang Valentine’s Day ganap si Benjamin, kasi nga, “nakakulong” sila sa set ng Owe My Love at sa March pa lalabas.
Samantala, Facebook friend namin si Benjamin at nakikita namin ang mga post niya kaya alam namin na avid fan si Ben ng mga Korean drama.
Kaya hindi na kami nagtaka na bilang doktor sa Owe My Love na si Dr. Migs Alcancia, ang peg o masasabing ginaya ni Ben sa kanyang papel ay ang bida sa Dr. Romantic 2, ang Korean actor na si Han Suk-kyu.
Kasalukuyan nang umeere ang Dr. Romantic 2 sa GMA.
Kuwento pa ni Benjamin, ang leading lady niya na si Lovi mismo ang nag-suggest sa kanya na panoorin ang nabanggit na K-drama series.
Samantala, tungkol sa tamang paghawak at pag-iingat ng pera ang isa sa mga tema ng Owe My Love (na mapapanood sa GMA Telebabad) at ayon kay Ben, nararapat na matuto tayo, lalo na ngayong panahon ng krisis, ng pag-iipon at wastong paggastos ng ating kinikita.
“It’s about time that we teach our Kapuso’s and everybody else to watch the show.
“Marami kaming aral about finances. Kung papaano mag-save, kung papaano magpalaki ng pera, kung papaano ba kumita in other ways, kung paano ba umutang nang tama para hindi ka laging nagigipit.”
***
SIMULA ngayong Lunes (Pebrero 15), tiyak na mas iinit ang inyong mga hapon sa pagsisimula ng fresh episodes ng GMA Afternoon Prime series na Magkaagaw.
Sa pagpapatuloy ng seryeng pinangugunahan nina Sheryl Cruz, Sunshine Dizon, Klea Pineda, and Jeric Gonzales, mas matitinding harapan at tapatan ang aabangan ng mga manonood. Tuluyan na nga bang magwawagi si Veron (Sheryl) sa kanyang paghihiganti?
Huwag palampasin ang mga kaabang-abang na eksena sa all-new episodes ng Magkaagaw, simula ngayon, Pebrero 15, Lunes hanggang Sabado, sa GMA Afternoon Prime.