Advertisers
ISA ang nasawi at walo ang sugatan nang araruhin ng isang delivery van ang dalawang tricycles sa Maharlika Highway sa Pagbilao, Quezon, Linggo ng umaga.
Sa ulat, nangyari ang insidente 5:00 ng umaga sa Barangay Malicboy.
Ayon sa report, galing sa Batangas ang dalawang tricycle na may tig-tatlong sakay at pauwi na sa Labo, Camarines Norte nang salpukin ang mga ito ng delivery van.
Wasak na wasak ang isang tricycle, habang halos magkahiwa-hiwalay na ang isa pa. Wasak rin ang unahang bahagi ng delivery van na sumalpok sa concrete barrier pagkatapos araruhin ang mga tricycle.
Naipit sa ilalim ng truck ang driver ng isang tricycle, dahilan upang tumagal ng dalawang oras ang rescue at retrieval operation ng MDRRMO-Pagbilao.
Naisugod kaagad sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang mga sugatan. Nasa kritikal na kalagayan ang apat sa mga sakay ng dalawang tricycles.
Ayon kay MSgt. Ryan Lacerna, imbestigador ng Pagbilao Pulis, galing sa isang lamay ng patay sa Batangas ang mga biktima.
Kuwento ng van driver, namatay ang makina at nawalan ng preno ang kanyang sasakyan sa pababang bahagi ng highway, dahilan upang masalpok niya ang dalawang kasalubong na tricycle.
Sugatan din ang driver at ang dalawang pahinante ng delivery van.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injuries at Damage to Property ang driver na si Anselmo Celestino Jr. na ngayon ay ginagamot pa sa Quezon Medical Center.