Advertisers
HINILING ng grupo ng Agriculture Sector Alliance of the Philipines at Pork Producers of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtataga ng Anti-Smuggling Task Force na siyang tututok sa smuggling ng agricultural products sa bansa.
Ipinahayag ni Nicanor ‘Nick’ Briones, Pangulo ng Agriculture Sector Alliance of the Phils. at Vice President ng Pork Producers of the Phils., na patuloy ang paglala ng problema at pagkalugi ng mga magsasaka sa bansa dahil sa walang agarang solusyon na ibinibigay ang pamahalan sa paglobo ng bilihin ng mga produktong agrikultura sa merkado.
Tahasang sinabi ni Briones, na bumabaha ng mga frozen products at iba pang agricultural products sa bansa na maliwanag na ang nakikinabang dito ang mga meat importer at smugglers na nagreresulta ng halos P40 bilyon taon-taon ang nawawalang kita ng bansa, na sa halip na malaki sanang tulong ito para sa mga magsasaka, magmamanok at magbababoy lalo na sa panahon ng pandemya upang makabawi ang mga ito sa kanilang pagkalugi lalo na iyong mga tinamaan ng mga peste sa kanilang mga alagang hayop at mga panananim tulad ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy.
Kung tinugunan lamang ng pamahalaan ang panawagan ni Briones na bayaran ng P10,000 ang bawat baboy na tinamaan ng ASF, maaari pang makapagsimulang muli ang mga magbababoy.
Sa ngayon, patuloy na kumakalat ang sakit na ASF, dahil hindi na nagdedeklara ang mga magbababoy na tinamaan ng sakit ang kanilang mga alaga.
Ayon kay AGAP President, na ayaw umanong tanggapin ng pamahalaan na may problema ang bansa sa sektor ng agrikultura kung kaya’t ayaw nilang pondohan ito.
Muling umapela si Briones, sa pamahalaan na gumawa ng tamang programa ang Department of Agriculture (DA) at hindi panay pag-i-import ang ginagawang solusyon sa kasalukuyang problema sa agrikultura na lalo lamang nagpapahirap sa mga konsyumer at magsasaka.
Sinabi pa ni Briones, na kung nilagyan ng price ceiling ang mga lokal na produkto ng karne ng baboy at manok nararapat din lagyan ng DA ng price ceiling ang mga imported o frozen meat sa halagang P160 hanggang P180 kada kilo kung saan ang presyo nito sa merkado P270 hanggang P300 kada kilo.
Pinababantayan din ni Briones ang talamak na smuggling ng frozen products at huwag hayaan na nakatiwangwang sa pamilihan dahil maari itong makontamina at magkaroon ng salmonella na makakaapekto sa kalusugan ng mga mamimili.
Malaking katanungin din kay Briones, kung bakit sa Abril pa idaraos ang tinatawag na Food Summit ng DA.
Aniya, agarang solusyon ang kailangan ng sektor ng agrikultura at hindi kailangan mag-intay pa ng halos dalawang buwan bago ipatawag ang mga magsasaka.
Sinabi ni Briones na kung magpapatuloy ang maling pamamalakad ni Agriculture Secretary William Dar sa pagtugon sa krisis, tuluyang mauubos ang suplay sa Visayas at Mindanao bago pa man makagakroon ng bakuna sa baboy.
Dagdag pa ni Briones na lahat ng mga magsasaka ‘di na natutuwa sa pamumuno ni Dar kaya hiniling nito kay Duterte na palitan na ito sa nasabing departamento dahil malaking kasiraan na ito sa administrayon ni Duterte.