Advertisers
PATAY ang isang traffic enforcer nang barilin habang may kausap sa telepono sa Muntinlupa City, Martes ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Daniel Manalo, 36 anyos, supervisor ng motorcycle unit ng Muntinlupa Traffic Management Bureau.
Ayon sa report ng Southern Police District, magkasama si Manalo at isang kapwa enforcer na nagsasagawa ng anti-tricycle operation sa southbound lane ng national road sa Barangay Tunasan nang mangyari ang pamamaril.
Kuwento ng kasamahang enforcer sa pulisya, pumasok sila sa isang tindahan 7:00 ng gabi, pero maya-maya lumabas si Manalo para sumagot ng tawag sa cellphone.
Sabi ng enforcer, nilapitan ng gunman si Manalo habang nakikipag-usap siya sa telepono at pinaputukan sa ulo mula sa likuran. At mabilis na tumakbo patakas ang salarin.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi si Manalo ng road clearing team na nagsagawa ng operasyon laban sa mga nakahambalang sa kalsada bilang pagsunod sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government.
Ilang beses narin siyang pinarangalan para sa kaniyang trabaho at kilala bilang mabait at palabating kasama sa trabaho.
Inanunsiyo ng lungsod nitong Miyerkoles na magbibigay ng P200,000 pabuya sa makapagtuturo kung sino ang bumaril kay Manalo.
Sa may impormasyon sa pagkakakilanlan o lokasyon ng salarin, tumawag sa PNP Muntinlupa hotline na 0998-967-4531.
(Gaynor Bonilla)