Advertisers
ARESTADO ang 43-anyos na dating preso nang mang-hostage ng isang babae sa Barangay Barangka Drive, Mandaluyong City noong Miyerkules, Setyembre 16.
Ayon sa Eastern Police District, nangyari ang insidente sa isang apartment sa E. Pantaleon Street 9:30 ng umaga nang i-report ng building manager ang hostage-taking.
Agad na rumesponde ang mga pulis at nakipagnegosasyon sa suspek na kinilalang alyas “Ed”. Makalipas ang halos isang oras, pinasok ng mga awtoridad ang kuwarto at nasagip ang 52-anyos na biktima.
Narekober mula sa suspek ang isang fan knife na ginamit sa insidente.
Batay sa paunang imbestigasyon, kamakailan lamang nakalaya sa kulungan ang suspek at nagpahayag umano ng kagustuhang makabalik sa piitan. Wala umanong dating relasyon o personal na koneksyon ang suspek at biktima.
Dinala ang dalawa sa Mandaluyong City Medical Center para sa medical examination.
Nahaharap ang suspek sa reklamong serious illegal detention at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 kaugnay ng illegal possession of a deadly weapon.