Advertisers
NAPAWALANG-SALA nitong Miyerkules si Senador Leila De Lima sa isa sa tatlong kinakaharap na drug cases sa Muntinlupa court.
Si De Lima ay nahaharap pa sa dalawang ‘conspiracies to commit illegal drug trading cases’ sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205.
Sa dalawang kaso, si De Lima ay nag-file ng ‘demurrer to evidence’, pero isang mosyon lang ang pinagbigyan ng korte, sa charges ni Jad Dera na sinasabing pamangkin niya pero ito pala ay isang police asset.
“The Demurrer to Evidence filed by Accused Leila De Lima is hereby granted. The petition for bail is rendered moot and academic as the grant is tantamount to her acquittal,” saad sa ruling ng korte.
Ang ‘demurrer to evidence’ ay ang pag-challenge sa mga ebidensiya ng prosecution, na kapag tinanggap, ito’y magreresulta ng dismissal ng kaso na hindi na kailangan ng akusado na magpresenta pa ng kanilang depensa.
Pero binasura ng parehong korte ang ‘ demurrer to evidence’ ni De Lima sa kaso kungsaan ang kanyang dating aide na si Ronnie Dayan ay co-accused. Di rin sinang-ayunan ng korte ang ‘Petition for Bail’ nila ni Dayan.
“Let the initial reception of defense evidence set on March 5, 2021 at 9;00 a.m. in the morning proceed as scheduled,” sabi ni Presiding Judge Liezel Aquiatan.
Ang trial sa kaso nila ni Dayan ay magpapatuloy, gayundin sa isa pang kaso ng senadora na naka-pending sa Muntinlupa RTC Branch 256.
Sa kasong ito, kungsaan nahaharap siya sa kaparehong charges kasama ang anim pa, ang prosekusyon ay nagpipresenta pa ng mga ebidensiya. Ang korte ay nagsasagawa rin dito ng pagdinig sa motion for bail ni De Lima.
Ang state prosecutors ay unang sinampahan si De Lima ng drug trading, pero binago nila ito, sa halip ay inakusahan ang senadora ng ‘conspiracy to commit drug trading’ sa loob ng New Bilibid Prison. Nangyari ito noong siya’y Justice secretary sa ilalim ng Aquino administration.
Si De Lima ay numero unong kritiko ni Pangulong Rody Duterte simula pa noong tserman siya ng Commission on Human Rights at mayor naman ng Davao City si Duterte, kungsaan iniimbestigahan niya ang ‘Davao Death Squad’.
Si De Lima ay apat na taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.