Advertisers

Advertisers

“BODY-WEARED CAMERA” IPALALAGAY SA MGA IMMIGRATION OFFICERS SA NAIA

0 3

Advertisers

PINAPABILIS ng Bureau of Immigration (BI) ang paglalagay ng mga body-weared camera na may kakayahang mag-record ng boses para sa lahat ng opisyal na nakatalaga sa mga paliparan bilang bahagi ng mga hakbang upang palakasin ang accountability, transparency, at monitoring sa mga operasyon ng immigration.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na target nilang masangkapan ang kanilang mga opisyal sa paliparan sa katapusan ng Oktubre.

Sa pahayag ni Viado, hindi lamang ito tungkol sa pagdodokumento ng mga transaksyon ng mga opisyal. Ang mga body-weared camera ay magsisilbi ding hadlang laban sa sinumang tauhan na maaaring magtangkang abusuhin ang kanilang posisyon.

Ang hakbang na ito ay ginawa sa gitna ng patuloy na panloob na imbestigasyon sa tangkang pag-alis ng isang potensyal na biktima ng human trafficking at ilegal na recruitment sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Parañaque City noong Setyembre 12.

Tinanggal ng BI ang serbisyo ng isang job order employee at tinanggal ang dalawang immigration officer sa kanilang mga tungkulin sa paliparan, na ang isa ay naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sinabi ni Viado na ang mga aksyong administratibo ay hiwalay sa pagtukoy ng anumang criminal liability, na depende sa mga natuklasan ng NBI.

Tutukuyin din sa imbestigasyon kung sino ang tumulong o nag-asikaso sa pasahero mula sa pagpasok niya sa terminal hanggang sa pagdating niya sa immigration area, kasama na kung may mga tauhan na maaaring nag-asikaso sa kanyang immigration clearance.

Sinusuri rin ng BI kung ang ibang tauhan ng paliparan, kabilang ang mula sa iba pang mga stakeholder, ay maaaring may kinalaman o may kaalaman sa mga pangyayari. (JOJO SADIWA)