Advertisers
Sa Metro Manila ang Lungsod Quezon ang may pinakamalawak na lugar kaya kung ikonsidera ang galawan ng mga kriminal sa lungsod, ang pulisya dito – Quezon City Police District (QCPD) ay laging nahaharap sa malaking hamon at responsibilidad.
Batid naman natin na napakalawak na sukat ng lupain ng Kyusi kumpara sa mga karatig na lungsod, kaya maraming hangganang kumokonekta rito – mayroon siyam na katabing lungsod at isang lalawigan dahilan upang maraming boundary o pwedeng magiging lagusan ng mga kriminal.
Ang mga lagusan at ang mga kalsadang kumokonekta dito sa lungsod ay matagal nang gamit ng mga masasamang loob bilang mabilis na ruta ng pagtakas. Ngunit jalaking kaibanhan na ngayon sa pagpasok ni PBGen. Christopher Olazo bilang bagong District Director ng QCPD, binura na niya ang mga lagusan sa pamamagitan ng isang matapang na estratehiya – gawing isang “lungsod na walang labasan” ang QC para sa mga kriminal.
Wala nang labasan ang mga kriminal sa programang pinaiiral at personal na pinamamahalaan ni Olazo, ang mga Border Control Points (BCPs) ay hindi na lamang ginawang pormalidad sa kalsada at sa halip ay “ikinandado” ito ng Heneral. Ginawa niya itong mga taktikal na “choke points” na direktang nakakonekta sa Tactical Operations Center at sa malawak na CCTV network ng lungsod.
Halimbawa, sa sandaling pumutok ang isang insidente sa ilalim ng 8 Focus Crimes—ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping ng sasakyan, at carnapping ng motorsiklo, sa pamamagitan ng programa, mabilis na nag-i-interlock ang mga BCP sa mga pangunahing daanan tulad ng EDSA, Quezon Avenue, at Commonwealth, pati na sa mga tulay at boundary patungong Manila, Caloocan, o Rizal, sarado agad ang pintuan ng lungsod bago pa man makaisip ng ruta ng pagtakas ang sinumang suspek o ang kriminal.
Sa taktikang ito ni Olazo na may kakayahang magpatupad ng bakal na kamay laban sa krimen, hindi nayuyurakan ang karapatan ng karaniwang mamamayan. Sa kabila ng pinaigting na seguridad, mahigpit niyang ipinag-uutos ang pagsunod sa visual search rule at ang pag-observe ng mataas na antas ng propesyonalismo ng bawat pulis sa checkpoint.
Kamakailan, iniulat na sa unang linggo pa lamang ni Olazo sa posisyon ay nagawa niyang mapababa ang krimen sa lungsod – halos 50% ang ibinaba ng krimen bunga ng pagpapatupad ng iba’t – ibang estratehiya laban sa krimnalidad lalo na ang pagpapatupad ng Operation Listo. Sa BCPs, marahil nagdadalaaang isip ang mga kriminal naa dumayo sa QC dahil batid nilang hindi na sila makalalabas o rehas na bakal ang kanilang bagsak.
Ngayon sa pamamagitan ng mga BCP, marahil na magpatuloy ang pagbaba ng krimen sa lungsod. Pinaniniwalaan ding agad na maresolba ang isang krimen at agad na maaresto ang sinumang suspek na magtangkang dadaan sa mga boundaries dahil sa pinatutupad ng BCP. Bukod dito, pinaniniwalaang ding magdadalawang isip nang dumayo sa lungsod para gumawa ng kasamaan ang mga kriminal dahil alam nilang hindi na sila makalalabas pa.