Advertisers
BUNSOD ng umano’y ilang taong kakulangan sa suplay ng tubig, pagkalugi sa pananalapi, at sinasabing environmental sabotage, pormal na isinumbong ng local consumer advocacy group na UHAW at mga whistleblower mula sa loob ng ahensya sa Office of the Ombudsman nitong Miyerkules, Setyembre 30, 2026, ang San Jose del Monte Water District (SJDMWD), mga miyembro ng Board of Directors nito, mga beneficial owner, at matataas na opisyal ng PrimeWater Infrastructure Corp.
Nabatid sa 928-pahinang joint complaint, umano’y nagsabwatan ang pamunuan ng SJDMWD at PrimeWater sa isang “sweetheart” joint venture na sinasabing ginawa ang pampublikong water utility na parang pribadong corporate “ATM.” Iginiit ng mga nagrereklamo na nagpapakita ang kaso ng paulit-ulit na manifest partiality at gross inexcusable negligence, partikular sa umano’y kabiguan ng pamunuan ng SJDMWD na aksyunan ang anim na taong sunod-sunod na findings ng Commission on Audit (COA).
Kaugnay nito sa kabila ng mga opisyal na babala mula 2018 hanggang 2024 hinggil sa malalaking pagkalugi, nawawalang asset records at iba’t ibang paglabag sa kontrata, sinasabi ng mga nagrereklamo na hindi gumawa ng sapat na corrective measures ang mga opisyal ng water district at sa halip ay patuloy na kumilos umano pabor sa PrimeWater kaysa sa kapakanan ng publiko.
Sinabi sa mga audit report na binanggit sa reklamo, bago ang joint venture agreement (JVA), kumikita ang SJDMWD ng ₱187.56 milyon noong 2016 at ₱126.48 milyon noong 2017. Ngunit matapos kunin ng PrimeWater ang operasyon noong Mayo 2018, bumagsak ang net income ng SJDMWD ng 58% sa ₱53.6 milyon noong 2018, at 98% sa ₱2.27 milyon noong 2019. Noong 2020, nagtala ang water district ng opisyal na net loss na ₱5.35 milyon.
Paulit-ulit ding binanggit ng COA ang kabiguan ng SJDMWD na magtatag ng Rewards and Penalties Framework (RPF) na malinaw na iniaatas sa Section 8.5.8 ng JVA.
Ayon sa mga nagrereklamo, dahil walang RPF, nawalan umano ng sapat na “legal teeth” ang SJDMWD upang patawan ng multa ang PrimeWater sa mga paulit-ulit na pagkukulang sa serbisyo. Umabot umano sa anim na taon, mula 2018 hanggang 2024, ang pagkaantala sa pagtatatag nito, na sinasabing nagresulta sa kawalan ng financial penalties laban sa PrimeWater.
Paulit-ulit ding pinuna ng COA ang SJDMWD dahil umano sa pagpapahintulot na maiwan ang milyun-milyong pisong inventory at receivables na hindi nabayaran.
Noong 2021 at 2022, lumitaw umano na ₱12.65 milyon na halaga ng SJDMWD inventory ang nanatiling nakaimbak sa mga warehouse habang ang mga storekeeper ng PrimeWater ay bumibili mula sa external suppliers sa halip na gamitin ang available na government inventory. Ayon sa reklamo, nagdulot ito ng karagdagang administrative at storage costs sa pampublikong water utility.
Kaugnay nito patuloy ding binantayan ng COA ang tumataas na Non-Revenue Water (NRW) ng SJDMWD, na lumampas sa 20% limit na itinakda ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
Umabot ang NRW sa 34.26% noong 2020, 35.54% noong 2023, at 42.66% noong 2024. Iginiit ng mga state auditor na hindi sapat ang leakage-control programs na ipinatupad laban sa PrimeWater, na ayon sa reklamo ay nagresulta sa mahigit ₱247 milyon na revenue loss kada taon.
Ayon sa mga nagrereklamo, sa halip na panagutin ang PrimeWater, ginamit umano ng pamunuan ng water district ang pondo ng gobyerno para sa mga gastusing dapat ay sagutin ng PrimeWater sa ilalim ng JVA. Umabot umano sa ₱69.64 milyon noong Disyembre 31, 2023 at ₱59.98 milyon noong Disyembre 31, 2024 ang mga public funds na in-advance ng SJDMWD para sa bulk water supply, mga proyekto, emergency booster pumps at iba pang supplies.
Ang mga gastusing ito, ayon sa reklamo, ay eksklusibong pananagutan ng PrimeWater sa ilalim ng Section 2.6.1(i) ng JVA. Pinuna rin umano ng state auditors ang paggamit ng government funds para sa advance payment ng mga LWUA loan bago pa ma-remit ng PrimeWater ang obligasyon nitong buwanang amortization. Ayon sa mga nagrereklamo, maaari itong pumasok sa Technical Malversation sa ilalim ng Article 220 ng Revised Penal Code, dahil ginamit umano ang public funds para sa pribadong corporate obligations.
Samantala nangako umano ang PrimeWater ng ₱6.771 bilyong investment sa loob ng mahigit 25 taon. Ngunit matapos ang pitong taon, ₱748 milyon lamang, o humigit-kumulang 11%, ang aktuwal na nai-invest, ayon sa complaint-affidavit. Sa Phase 2 naman, tinatayang 1% lamang ng ₱2.1-bilyong investment requirement ang naisakatuparan umano ng PrimeWater. Sa kabila nito, sinasabi ng mga nagrereklamo na hindi ipinatupad ng SJDMWD ang forfeiture ng 8% Performance Bond ng PrimeWater.
Isa pang binanggit sa reklamo ang mahigit 1,400 pending water connection applications noong 2024. Nang hindi umano ito maiproseso ng PrimeWater, ginamit ng SJDMWD ang sariling pondo at manpower upang maisagawa ang mga installation. Gayunman, ayon sa mga nagrereklamo, pinayagan pa rin umano ang PrimeWater na mangolekta.