Advertisers
INIHAYAG ni dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes ang umano’y pagdaloy ng daan-daang milyong pisong pondong may kaugnayan sa China at isang “drug lord” sa Davao patungo sa mga entidad at miyembro ng pamilya Duterte.
Sa isang press conference, ipinakita ni Trillanes ang mga dokumentong pinansyal na aniya’y nagpapakita na mahigit P469 milyon mula sa gobyerno ng China at mga korporasyong nakabase sa China ang napunta sa mga entidad na may kaugnayan kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si Manases “Mans” Carpio.
Sinabi rin ni Trillanes na mahigit P181 milyon na bayad mula sa negosyanteng si Sammy Uy, na tinukoy niya bilang isang drug lord, ang napunta kina Sara Duterte, dating Pangulo Rodrigo Duterte at kanilang mga anak mula 2011 hanggang 2013.
Ayon kay Trillanes, bahagi ang dalawang hanay ng transaksyon ng mas malawak na financial trail na may kaugnayan aniya sa yaman, negosyo at mga sinasabing koneksyon ng pamilya Duterte sa mga personalidad na sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Trillanes, mahigit P319 milyon mula sa gobyerno ng China at mga korporasyong nakabase at nag-o-operate sa China ang napunta sa Cale88 Foods Corp., na tinukoy niyang kumpanyang pag-aari ni Carpio.
Bukod dito, sinabi niyang isa pang P150 milyon ang napunta sa Tapang at Malasakit Foundation, na tinukoy niyang foundation ni Duterte.
“Galing sa Chinese government at mga korporasyon na base at nag-o-operate sa China, pumasok P319 million mahigit papunta doon sa Cale88 na kumpanya ni Mans Carpio na asawa ni Sara Duterte,” ani Trillanes.
“Dito naman sa Tapang at Malasakit, pumasok P150 million,” dagdag niya.
Sinabi ni Trillanes na nagbubukas ang mga transaksyong ito ng mga katanungan hinggil sa posibleng impluwensiya ng dayuhan at usapin sa national security, lalo na dahil sa iniulat na kaugnayan ng mga tumanggap na entidad sa pamilya ng isang nakaupong bise presidente.
“May national security implications,” ani Trillanes.
Kinuwestiyon din niya ang mga transaksyong pinansyal ng Cale88 Foods Corp., partikular ang mga pagkakaiba sa financial statements na isinumite ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon kay Trillanes, nagdeklara ang kumpanya ng tinatayang P150 milyon na sales noong 2024, kahit iniulat nitong nasa P8,000 lamang kada buwan ang gastos sa kuryente at wala itong empleyado noong naturang taon.
Sinabi rin niyang sa 2025 financial statements ng kumpanya, mahigit P208 milyon ang idineklarang sales habang lumampas naman sa P300 milyon ang aktuwal na cash inflows.
Itinuro rin ni Trillanes ang pagtanggap ng P150 milyon ng Tapang at Malasakit Foundation mula sa Embassy of the People’s Republic of China. Ayon sa kanya, kabilang si Sara Duterte sa board of trustees ng foundation.
Sinabi niyang dapat suriin ang mga naturang transaksyon sa konteksto ng mga posisyong pulitikal ng pamilya Duterte at ang posibleng epekto nito sa national security.
“Yun doon mo makikita ito na ang paraan ng China ng pagsuporta sa mag-asawang Duterte,” ani Trillanes.
Ipinakita rin ni Trillanes ang bank records at managers’ checks na nagpapakita ng mahigit P181 milyon na ibinayad ni Uy sa mga miyembro ng pamilya Duterte.
Ayon sa kanya, mahigit P22 milyon ang natanggap ni Sara Duterte sa ilang transaksyon noong siya ay mayor pa ng Davao City.
Samantala, mahigit P38.8 milyon ang natanggap ni Paolo Duterte sa apat na transaksyon, habang mahigit P51.5 milyon ang napunta kay Baste Duterte sa limang transaksyon.
Para naman kay Kitty Duterte, sinabi ni Trillanes na mahigit P53.2 milyon ang nadeposito sa mga transaksyong may kinalaman sa isang account na hawak para sa kanya noong menor de edad pa siya.
Sinabi rin niyang mahigit P15.6 milyon ang natanggap ng dating Pangulong Duterte mula kay Uy sa pamamagitan ng managers’ checks at isa pang transaksyon.
“Maliwanag yung koneksyon sa buong pamilya. Bawat miyembro ng pamilya Duterte tumanggap ng pera mula sa ilegal na droga,” ani Trillanes.
Binigyang-diin niya na naganap ang mga transaksyon bago naging pangulo si Rodrigo Duterte.
“2011 to 2013 nangyari itong mga ito. Wala pa, hindi pa presidente si Digong, mayor palang,” ani Trillanes.
Ayon kay Trillanes, naiiba ang kanyang mga inilatag na alegasyon sa mga naunang paratang na nakabatay lamang sa testimonya dahil ang mga transaksyon ay makikita sa mga dokumento ng bangko at managers’ checks.
Sinabi niyang ang mga bayad mula sa mga account ni Uy ay nagsisilbing documentary trail na, sa kanyang pananaw, sumusuporta sa mga naunang alegasyon hinggil sa pamilya Duterte.
Bilang konteksto sa mga transaksyong pinansyal, ipinakita ni Trillanes ang isang video ni retiradong pulis na si Arturo Lascañas, na umamin na dating miyembro ng tinatawag na “Davao Death Squad”.
Nauna nang iginiit ni Lascañas na may kaugnayan si Rodrigo Duterte sa ilegal na kalakalan ng droga sa Davao at sangkot si Paolo Duterte sa isang operasyon ng drug smuggling. Tinukoy rin niya si Uy bilang isang personalidad na sangkot sa drug trade sa Davao.
Ipinakita rin ni Trillanes ang bahagi ng testimonya ng dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban sa House Quad Committee.
Nauna nang sinabi ni Guban na kabilang sina Paolo Duterte at Carpio sa mga personalidad na konektado sa pag-aangkat ng ilegal na droga na itinago sa magnetic lifters na nasabat noong 2018.
Ayon kay Trillanes, nagbibigay ng konteksto ang mga naunang testimonya nina Lascañas at Guban sa mga financial records na kanyang inilatag na may kaugnayan kay Uy at sa pamilya Duterte.
Ipinakita rin niya ang mga larawan at iba pang impormasyon na aniya’y nagpapakita ng personal na koneksyon ni Uy sa pamilya Duterte, kabilang ang transaksyon sa lupa na kinasasangkutan ni Sara Duterte noong 21-anyos pa lamang siya.
Binanggit din ni Trillanes na itinalaga si Uy bilang special envoy sa Japan noong administrasyong Duterte.
Sinabi ni Trillanes na dapat masusing suriin sa mga naaangkop na proseso ang mga transaksyong pinansyal at iba pang dokumentong kanyang inilatag, partikular kaugnay ng mga katanungan sa yaman ng pamilya Duterte at koneksyon nito sa ilegal na kalakalan ng droga.