Advertisers

Advertisers

Kamara nirepaso ang mga panukalang amyenda sa 2027 national budget

0 32

Advertisers

NAGSAGAWA ng ikalawang pagpupulong ang Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) upang talakayin ang mga panukalang amyenda sa 2027 General Appropriations Bill. Kabilang dito ang mga kahilingang isinumite ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga rekomendasyong inihain sa plenary deliberations.

Sinabi ni House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing, bahagi ang pagsusuri sa patuloy na pagsisikap ng Kamara na gawing mas transparent, accountable, at nakatuon sa pangangailangan ng mga Pilipino ang proseso ng pagbuo ng badyet.

Alinsunod din ito sa panawagan ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III para sa isang “Bagong Kongreso” na nakasandig sa transparency, accountability, mga repormang institusyonal, at paghahatid ng mga konkretong resulta para sa publiko.



Isa sa mga pangunahing tinalakay ang School Safety and Security Program, na naglalayong tiyaking ligtas ang mga paaralan para sa mga mag-aaral, guro, at school personnel. Iminungkahi ang P500 milyon na pondo para sa pagpapalakas ng seguridad at paghahanda ng mga paaralan sa mga emergency.

Ayon kay Suansing, walang nakalaang pondo para sa school safety and security sa National Expenditure Program (NEP), kaya iminungkahi niya sa BARSc ang paglalaan ng pondo.



Tinalakay din ang fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon. Iminungkahi ng komite ang P2.35 bilyong pondo upang makatulong sa mga direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina, kasabay ng nararanasang pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Kasama rin sa pagsusuri ang paghahanda para sa isang El Niño-ready agriculture budget.



Iminungkahi ang P125 milyon para sa pagpapalawak ng paggamit ng solar-powered pumps sa irigasyon upang mapalawak ang access ng mga magsasaka sa maaasahang suplay ng tubig at mabawasan ang pagdepende sa mga pump na gumagamit ng conventional fuel, lalo na sa mga lugar na limitado ang access sa kuryente.

Iminungkahi rin ang karagdagang P4.96 bilyon para sa farm-to-market roads upang mapalakas ang koneksyon ng mga lugar na pinanggagalingan ng mga produktong agrikultural at mga pamilihan.

Isinaalang-alang din ng BARSc ang P10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk, na nakalaan para sa karagdagang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
Ani Suansing, inirekomenda rin ang karagdagang P20.86 bilyon para sa Department of Agriculture, National Irrigation Administration, at Department of Agrarian Reform bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño.

Bahagi rin ng mga reporma ng Kamara sa pamamagitan ng House Committee on Appropriations ang pag-aalis sa small committee. Sa ilalim ng BARSc, isinasagawa ang line-by-line na pagsusuri sa mga amyenda sa badyet, habang livestreamed ang mga pagdinig at inilalabas sa publiko ang mga inaprubahang pagbabago.

Sinabi ni Suansing na makaaasa ang publiko na tutugon ang 2027 national budget sa mga pangangailangan ng bansa at ng mga Pilipino.