Advertisers
MISTULANG puta na nagtatalak dahil tinakbuhan siya ng customer si Sheila Sison, punong manananggol ng defense team ni Misfit Sara. Nagpuputak siya ng walang tigil at kapararakan pagkatapos inurong ng prosekusyon ang tatlong punto sa Articles of Impeachment laban sa pangalawang pangulo.
Inurong ang usapin ng confidential fund, grave threats, at bribery, ngunit itinira ang isyu ng unexplained wealth, o ang tagong yaman na hindi naipaliwanag ng mag-asawang Misfit Sara at Mans Carpio. Tanging sa isyu lang ng hindi maipaliwanag na tagong yaman kailangan magdesisyon ang Senate Impeachment Court (SIC).
Pinakamahirap ang isyu ng unexplained wealth dahil hindi basta mapasinungalingan ang mga datos na ibinunyag ng mga papeles. Hindi maaaring basta-basta kontrahin ang sinabi ng mga numero at ang pinuntahan ng tagong yaman ng pangalawang pangulo at asawa. Naisahan si Misfit at ang pangkat ng mga pipitsuging abogado na hindi namin alam kung saan pinulot.
Sa kanyang pagharap sa SIC kahapon, ikinumpara ni Sison ang impeachment trial ni Misfit Sara sa impeachment trial ni Renato Corona, punong mahistrado ng Korte Suprema, noong 2012. Sa paglilitis kay Corona, kagyat na iniurong ng prosekusyon sa umpisa ng paglilitis ang apat na punto sa kanyang Articles of Impeachment at tanging pinagtuunan ng pansin ang SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth) ni Corona.
Ito ang katwiran na iginiit ni Sison. Dapat sa umpisa ng paglilitis ay iniurong na ang isyu ng confidential fund at grave threats at hindi sa pagtatapos ng presentasyon ng prosekusyon. Hindi sa hui kung saan may inihanda na silang sagot sa mga nauna.
Hindi naunawaan ni Sison na “sui generis” ang bawat impeachment trial. May kanya-kanyang katangian ang bawat isa at hindi puedeng igiit na sundin ang naunang paglilitis. Walang batayan ang paghahambing. Hindi pinansin si Sison sa kanyang katwiran. Hindi pinag-usapan.
Iba ang nangyari kay Misfit Sara. Tinalakay ang isyu ng grave threats, confidential fund, at unexplained wealth, ngunit ibinagsak ang unang dalawa at tanging ang isyu ng unexplained wealth ang focus ng prosekusyon. Biglang nawala sa hulog si Sison dahil hindi sila handa sa unexplained wealth. Halatang wala silang pangontra sa paper trail na iniharap ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), mga bangko, at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ang paghahanda nila ay sa usapin ng grave treats at confidential fund. Dahil unang tinalakay ang dalawang isyu, may sapat na panahon na iniharap nila ang kanilang sagot sa prosekusyon. May ibang basa ang ilang nagmamatyag. Plano umano ng depensa na idribol lang ang isyu ng confidential fund at grave threats hanggang umabot ang talakayan sa susunod na taon. Patatagalin ang talakayan, sa maikli.
Ngunit hindi sa isyu ng unexplained wealth na sadyang inihuli ng prosekusyon. Hindi sapat ang kanilang paghahanda sa isyu na iyan. Ito ang ipinagputok ito ng butsi ni Sison. Mistulang bagon ng tren na nawala sila sa riles.
Malinaw ang estratehiya ng prosekusyon. Kung isasama ang grave threats at confidential fund, matatagalan ang impeachment trial hanggang mawalan ng gana ang publiko. Force the issue – ito ang estratehiya ng prosekusyon. Hindi kailangan ang maraming isyu upang ibigay ng SIC and kanilang desisyon.
***
ANG totoo ay naisahan si Misfit Sara at tuso si BBM. Alam ni BBM ang kahinaan ni Misfit at ito ang kanilang sinamantala. Alam nila saksakan ng takaw, tanga, at suwapang si Misfit Sara pagdating sa salapi ng bayan. Kumagat si Misfit sa bitag ng mga inakalang kaibigan na kalaban pala niya. Binigyan siya ng saksakan ng laking confidential fund na nagsilbing patibong sa kanya. Akala niya kakampi sina BBM, Martin, at ibang mambabatas.
Akala niya ang Tatay Gongdi pa rin niya ang pangulo. Nang kumagat siya, bigla siyang binitiwan at ipinalabas na saksakan ng siba sa pera ng sambayanan. Tapos ang kuwento. Naisahan siya. Aminin na niya sa sarili niya iyan. Sa susunod na tagpo ay magiging abala siya sa pagharap na sakdal na ihaharap laban sa kanya sa mga hukuman.
Hindi na sa SIC ang labanan, sa mga hukuman na dahil haharapin niya ang mga sakdal na kriminal laban sa kanya – plunder (pandarambong) at technical malversation. Mas bagay na sa hukuman na talakayin ang mga iyan. Kaya tama ang prosekusyon na iurong ang isyu ng confidential fund at grave threats. Doon na sa hukuman ang mga iyan.
***
HINDI magbibitiw bilang pangalawang pangulo si Misfit Sara. Ngunit ang totoo ay aalisin siya at sa hukuman matutuloy ang ibang paratang sa kanya. Iyan ang masakit, Misfit. Wala ka ng ibang gagawin sa buhay kundi ipagtanggol ang sarili sa mga bintang na isa kang mandarambong sa salapi ng bayan.