Advertisers
Iginiit ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano nitong Martes na dapat maging patas ang paghawak ng Senado sa pag-atras ng prosecution sa tatlong Articles of Impeachment upang mapangalagaan ang Konstitusyon, matiyak ang katarungan, at magtakda ng tamang pamantayan para sa mga susunod na paglilitis.
Sa ika-39 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Oktubre 13, nilinaw ni Cayetano na magkaiba ang pagbawi sa artikulong hindi pa naihaharap ang ebidensiya sa impeachment court at pagbawi sa artikulong nailahad na ang mga testigo at dokumento ngunit hindi pa nasasagot ng depensa.
Ang ikalawang sitwasyon ang tinutulan niyang mauwi sa pagkakait ng pagkakataong makasagot. Aniya, hindi makatarungang gamitin ang oras at pondo ng pamahalaan upang ilahad ang mga akusasyon, saka gamiting dahilan ang pagtitipid upang hindi na marinig ang kabilang panig.
“You could have started with the ill-gotten wealth and stopped there. But you chose to spend 38 days. So, kung baga sa suntukan, sinuntok n’yo na y’ung defense, then sasabihin n’yo, ‘to save time, huwag na kayong gumanti,’” ani Cayetano.
Nauna nang ipinaliwanag ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na kabilang sa mga isinaalang-alang ng prosecution sa pagbawi ng tatlong artikulo ang oras, pondo ng pamahalaan, at iba pang tungkulin ng Senado, lalo na ang pagtalakay sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Sa kaso ng bribery article, sumang-ayon si Cayetano kay Presiding Officer Francis Escudero na naaangkop ang precedent sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona. Hindi pa kasi naipresenta sa impeachment court ang mga testigo at dokumentaryong ebidensiya para rito.
Ngunit iba aniya ang dalawa pang artikulong binawi dahil naiharap na sa korte ang mga ebidensiya ng prosecution.
“Kung y’ung lahat ng winithdraw, hindi ka pa nag-present ng evidence, wala din tayong problema. Pero ang problema natin, nag-present ka na eh, hanggang dulo eh. Then you’re gonna insist that malakas pa rin y’ung case niyo on all four cases,” paliwanag niya.
Binigyang diin ni Cayetano na bukod sa magiging hatol, nakasalalay rin sa paglilitis ang reputasyon ng isang opisyal at ang karapatan nitong maiharap ang sariling ebidensiya.
“So it’s not only the legal consequences, meaning acquitted or convicted, but also the reputation of the vice president and her right to a fair hearing, a fair trial, by being able to present their own evidence,” aniya.
Tinanong din niya kung ituturing bang acquittal ang pagbasura sa dalawang artikulong naipresentahan na ng ebidensiya. Tumugon si Luistro na ang mga binawing artikulo ay hindi na magiging bahagi ng paglilitis at hindi na saklaw ng hatol ng impeachment court.
Para kay Cayetano, hindi sapat na sabihing maaari namang sumagot ang depensa sa isang press conference o Facebook Live. Tinanong niya kung makapaglalabas ba ang korte ng subpoena upang obligahing humarap sa mga ganitong pagtitipon ang mga testigong kailangan ng depensa.
Nagbabala rin siya sa maaaring maging precedent ang magharap ng mga akusasyon at ebidensiya laban sa isang opisyal sa isang pormal na paglilitis, saka bawiin ang mga artikulo bago nito maiharap ang sariling panig.
“Is that the kind of democracy, the kind of legal system, the kind of justice that we want to give the Filipino people? Can you imagine the precedent?” tanong niya.
Sa kasunod niyang interjection, sinuportahan ni Cayetano ang mungkahing bigyan muna ng pagkakataon ang depensa at tingnan ang mga susunod na hakbang sa pagbabalik ng paglilitis sa Nobyembre 9.
Kasabay nito, hiniling niyang mabigyan ng sapat na panahon ang pagtalakay sa pambansang badyet, habang kinikilala na maaaring pagsabayin ang mga tungkulin ng Senado.
“Priority dapat y’ung budget. Kung masasabay natin, bakit hindi? In the last few months, pinagsabay natin, session, budget, impeachment,” aniya.
Binigyang diin ni Cayetano na anuman ang maging hatol, ang pagsunod sa Konstitusyon at pagtiyak sa patas na proseso ang makapagpapatatag sa demokrasya.
“If we follow the Constitution, if there is due process and fairness, then despite the many, many, many legal issues brought up in and out of this impeachment court, then we would have strengthened both our Constitution next year and our democracy,” wika ni Cayetano.