Advertisers
TINANGGAL sa puwesto ang hepe ng Police Clearance Section sa Quezon City nang mag-viral ang reklamo ng isang aplikante na naantala umano ang serbisyo dahil sa birthday celebration ng mga tauhan.
Ayon sa nagreklamong babae, halos hindi umusad ang pila mula 11:40 ng umaga hanggang 12:30 ng tanghali noong Lunes, Oktubre 12, dahil abala umano sa pagkain at pagdiriwang ang ilang personnel.
Sa walong service station, isa lamang umano ang nag-aasikaso ng mga aplikante 12:10 ng tanghali.
Dahil dito, humingi ng paumanhin si Quezon City Mayor Joy Belmonte at tini-yak na naiparating na sa Quezon City Police District ang reklamo.
Gayunman, nilinaw ng QCPD na batay sa kanilang inisyal na beripikasyon, nagpatuloy ang serbisyo sa ilalim ng kanilang salit-salitang lunch break arrangement.
Sa kabila nito, iniutos ang pagtanggal sa puwesto ng hepe habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung may nagawang paglabag ang mga tauhan.
Nilinaw ng QCPD na administratibong hakbang lamang ang pagkakatanggal habang sa panahon ng im-bestigasyon.
Hindi rin nito inaalis ang posibilidad na managot ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga umiiral na batas at regulasyon.
Hinimok din ng police district ang indibidwal na naglabas ng reklamo na nagsu-mite ng pormal na reklamo at mga sumusuportang ebidensya upang makatulong sa pagtukoy sa mga totoong pangyayari.