Advertisers

Advertisers

PH NAVY, PINASALAMATAN NG BOC SA MAHIGIT P4-B NASAMSAM NA KONTRABANDO SA MINDANAO

0 35

Advertisers

Pinasalamatan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Naval Command Western Mindanao (NCWM) ng Philippine Navy sa matagumpay nitong mga operasyon laban sa smuggling na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit P4 bilyong halaga ng mga hinihinalang kontrabando at puslit na produkto sa Western Mindanao mula Setyembre 11 hanggang Oktubre 3, 2026.

Kabilang sa mga naging matagumpay na operasyon ng NCWM ang pagharang sa dalawang barkong may dalang 20,000 metric tons ng bigas mula Vietnam na tinatayang nagkakahalaga ng P700 milyon. Naharang ang mga ito dahil sa mga kuwestiyonableng dokumento at kinanselang permit.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, malaking tulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling ang mga operasyon ng Philippine Navy, lalo na sa pagbabantay sa mga karagatan na nagagamit sa pagpapasok ng mga ilegal na produkto sa bansa.



“Sa ngalan ng Bureau of Customs, taos-puso akong nagpapasalamat kay Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr. at sa buong Naval Command Western Mindanao ng Philippine Navy para sa inyong matagumpay na operasyon laban sa smuggling. Ang pagkakasamsam ng mahigit P4 bilyong halaga ng kontrabando ay nagpapakita ng inyong dedikasyon at malasakit sa paglilingkod sa bayan. Malaki ang naitutulong ng inyong mga operasyon sa mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at sa pagpigil sa pagpasok ng mga ilegal na produkto sa ating bansa,” ayon pa kay Nepomuceno.

Dagdag pa ng Commissioner, mahalaga ang papel ng Philippine Navy sa pagbabantay sa mga karagatan at sa pagpigil sa paggamit ng mga rutang pandagat para sa smuggling at iba pang ilegal na gawain.



Sinabi rin niya na bagama’t ang mandato ng Bureau of Customs ay pangunahing nakatuon sa mga pantalan at iba pang lugar na sakop ng Customs, malaking ambag ang mga operasyon ng Philippine Navy sa pagbabantay sa mga karagatan at sa pagpigil sa smuggling sa mga rutang ginagamit ng mga smugglers upang makapasok sa bansa. (JERRY S. TAN)