Advertisers

Advertisers

Empleyado ng Parañaque City Hall na sangkot sa “viral road rage” iniimbestigahan na

0 30

Advertisers

Parañaque City – Iniimbestigahan na ng Pamahalaang Lungsod ng Paranaque sa isa nilang empleyado na nasangkot sa marahas at agresibong pag-uugali sa lansangan na nagresulta sa 90-araw na suspensiyon ng kanyang lisensiya.

Sa inilabas na kalatas ng tanggapan ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, kilala na nila ang kawani na nag-viral sa social media na nananakot at humabol sa babaeng motorista mula sa Barangay Don Bosco hanggang sa gate ng subdivision noong Sabado ng gabi ng Oktubre 10, 2026.

Ayon sa lokal na pamahalaan, masusi na nilang ini-imbestigahan ang pangyayari upang alamin kung kinakailangang sampahan ng kasong administratibo ang kawani batay sa umiiral na panuntunan ng Civil Service at pagrespeto sa tamang proseso ng batas.



Inatasan na rin ang kawani na magsumite ng kanyang sinumpaang salaysay at ipaliwanag ang kanyang panig kaugnay sa viral video sa social media ng kanyang panggigipit sa babaeng motorista.

Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na hindi nila kukunsintihin ang ganitong mga pag-uugali ng kanilang mga kawani na hindi angkop sa isang lingkod-bayan kahit pa nga ikatuwiran na off duty na niya nang mangyari ang insidente.



“Hindi kinukunsinti ng Pamahalaang Lungsod ang anumang asal na hindi angkop sa isang lingkod-bayan, habang naka-duty o hindi,” pahayag ni Mayor Olivarez .

Tiniyak ng lokal na Pamahalaan na isasagawa ang mga pamamaraan alinsunod sa mga tuntunin ng Civil Service at may lubos na paggalang sa ‘due process’.



Napag-alaman na bukod sa ipinataw na suspensiyon, inatasan din ng Land Transportation Office (LTO) ang kawani at ang may-ari ng minamaneho niyang sasakyan na magtungo sa Central Office ng ahensiya sa East Avenue, Quezon City sa Oktubre 21, 2026 para sa pormal na pagdinig sa naturang insidente.

Samantala isang memorandum order naman ang inilabas ng Human Resources Management Office (HRMO) ng lungsod, inatasan din ang nasabing kawani na magsumite ng paliwanag sa loob ng 24 oras. “Ang nakasulat na paliwanag ay dapat malinaw na naglalahad ng iyong panig sa insidente, kabilang ang mga pangyayaring may kaugnayan dito, ang iyong partisipasyon (kung mayroon man), at anumang mahahalagang impormasyon o ebidensya na makatutulong sa opisina na matukoy ang katotohanan,” ayon sa kautusang nilagdaan ni Ramil Santillan, ang acting head ng HRMO. (RONALD BULA)