Advertisers
MANILA — Nakikiusap ang lokal na industriya ng pagbababoy sa Pangulong Marcos Jr. na ibalik agad sa orihinal na antas ang taripa sa pag-aangkat ng baboy dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo sa sakahan na nagtutulak sa maraming nag-aalaga na isara na ang kanilang kabuhayan.
Sa liham na ipinadala sa Palasyo, sinabi ng mga kinatawan ng sektor na bumaba na ang presyo ng baboy sa sakahan sa presyong P90 hanggang P120 bawat kilo habang patuloy na tumataas ang gastos sa pagkain at produksyon. Nagreresulta ito sa pagkalugi ng P50 hanggang P90 bawat kilo, o humigit kumulang P5,000 hanggang P9,000 bawat hayop.
Dahil dito, hinihiling ng grupo na maglabas agad ng Executive Order na magbabalik sa taripa — 30% para sa mga nasa loob ng takdang dami at 40% para sa mga lumalagpas dito. Ipinunto nila na ang proseso sa pamamagitan ng Tariff Commission ay aabutin ng ilang buwan — panahong wala na ang industriya.
Kalakip ng liham ang pinagsamang pahayag ng magkakaugnay na sektor — mula sa mga nag-aalaga ng baboy, magsasaka ng mais, mga tagagawa ng pagkain, beterinaryo, katayan, at iba pang kaugnay na negosyo.
Binanggit nila na marami ang napipilitang tumigil sa negosyo, at nanganganib na mawala ang mga pamumuhunang binuo ng ilang henerasyon. (Edwin Moreno)