Advertisers
Sa lahat ng mga nasabi at naisulat na tungkol kay Senador Robin Padilla, ito ang pinaka-nagustuhan ko.
Naghain siya ng ng Senate Resolution No. 732 upang paimbestigahan sa Senado ang pagpapatupad ng No Contact Apprrehension Policy o NCAP sa Metro Manila.
Sa kasamaang-palad kasi ay muling ibinalik ang implementasyon nito matapos alisin ng Korte Suprema ang ipinataw na temporary restraining order laban dito.
Sabi ni Padilla, layunin ng kanyang inihandang resolusyon na masuri nang husto kung makatarungan at makatao ba ang sistema ng NCAP para sa mga motorista.
Maraming ipinunto si Padilla na dapat aniya ay silipin, pag-aralang maige at busisiin.
Una na diyan ang kung sapat ba ang mga road infrastructures dahil aniya, paano nga naman magiging epektibo at patas para sa mga motorista ang NCAP kung malabo ang mga lane markings, kulang ang traffic signs at hindi maayos ang mga kalsada at traffic signal na gabay sana ng mga motorista upang sumunod sa batas-trapiko nang maayos.
Gusto din daw niyang pag-aralang muli ang sa totoo lang ay napakabibigat na parusa at multa o singilin na ipinapataw sa mga nahuhuling motorista. Hindi naman lahat ng may kotse ay maraming pera dahil sa panahon ngayon, ‘necessity’ na ang kotse at hindi luho.
Kaugnay niyan ay nais din ni Padilla na ipasilip ang mga reklamo ukol sa mabagal na pagpapadala ng violation notices at ang mga reklamo ukol sa maling pagpataw ng multa sa mismong may-ari ng sasakyan, kahit iba ang nagmamaneho nang maganap ang paglabag diumano.
Ayon pa sa Senador, dapat daw masuri kung gaano kadali o kahirap para sa mga motorista ang maghain ng protesta o pag-apela kung sa tingin nila ay nagkaroon ng pagkakamali sa huli o pagpataw ng multa sa kanila.
Tama din ‘yan dahil may kaibigan ako na dati ay pinadalhan ng notice. ‘Yung sinasabing paglabag niya ay naganap sa isang lugar na hindi naman niya pinupuntahan at nang hingin niyang makita ang video na pinagbatayan daw ng pagpataw ng parusa sa kanya, sinabi na hindi nagana ang system nang mga oras na iyon. Dahil naroon na siya, nagbayad na lang siya kesa bumalik pa o magka-record ng penalty dahil di nagbayad sa oras.
Tapos, nariyan din ang paglaganap ng mga pekeng NCAP text messages na nagpapanggap na opisyal na babala upang mang-scam at manghingi ng pera sa mga motorista.
Kung sinuman ang ‘bright’ na nagpakulo ng NCAP na ‘yan, siguradong galit sa administrasyon.
Sa sobrang taas ng mga singil at iba pang problemang kaakibat nito na pawang di pabor sa motorista, tila ginawan ng galit ang mga motorista laban sa administrasyong Marcos.
Tapos, middle class na naman ang tatamaan dahil ang mga driver naman ng public utility vehicles, hindi naman napaparusahan sa ilalim ng NCAP gayung sila ang badbad ng traffic violations. Patas ba ‘to?
Mas maganda nga sana kung ang itulak ni Sen. Padilla ay ang pagbasura sa kabuuan ng NCAP mismo. Maganda ding silipin niya kung ano ang napala ng mga nagpatupad nito dati at muling mapapala ng mga magpapatupad nito ngayon.
May mga bulung-bulungan kasi na malaking halaga ang porsyentong napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal sa pagpapatupad ng NCAP. Kayo ba naniniwala dito???