SENADOR VILLAR, NAGHAIN NG PANUKALA UPANG MAGKAROON NG TAX CREDITS ANG MGA BUSINESS NA NAGBIBIGAY NG DISKUWENTO NG SENIOR CITIZENS AT PWDs
Advertisers
Itinutulak ni Senator Mark Villar ang isang panukalang batas na naglalayong magkaloob ng tax credits sa mga establisimyentong nagbibigay ng mga mandatoryong diskuwento sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs), upang matiyak ang mas patas na sistema ng pagbubuwis habang napapanatili ang mga benepisyong ipinagkakaloob sa mga sektor na ito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2494, o ang panukalang “Tax Credit for Senior Citizens and Persons with Disability Discount Act,” layunin ni Villar na amyendahan ang Republic Act No. 9994, o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010, at Republic Act No. 7277, o ang Magna Carta for Persons with Disability.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas ay hindi ganap na nababawi ng mga negosyo ang kabuuang halaga ng mga mandatoryong diskuwento sa pamamagitan ng tax deductions, na nagdaragdag sa kanilang pinansiyal na pasanin, lalo na sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
“Ang pagbibigay ng diskwento sa ating mga senior citizen at persons with disabilities ay mahalagang bahagi ng ating mga programang panlipunang proteksiyon. Ngunit hindi dapat iasa lamang sa mga negosyo ang buong bigat ng pagpapatupad ng mga benepisyong ito. Kailangan nating magkaroon ng mas patas na sistema na nangangalaga sa ating mga benepisyaryo habang tinutulungan din ang ating mga negosyo, lalo na ang mga MSME, na manatiling matatag at makapagpatuloy sa kanilang operasyon,” ani Villar.
Iminumungkahi ng panukalang batas na ituring na tax credits sa halip na tax deductions ang mga mandatoryong diskuwentong ipinagkakaloob sa senior citizens at PWDs para sa mga kwalipikadong produkto at serbisyo. Sa ganitong paraan, maaaring direktang ibawas ng mga establisimyento ang halaga ng mga kuwalipikadong diskuwento mula sa kanilang mga obligasyong buwis sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Maaari namang ilipat sa mga susunod na taon ng pagbubuwis ang hindi nagamit na tax credits mula sa mga diskuwento para sa senior citizens, ngunit hindi maaaring i-refund o ilipat ang mga ito sa ibang tao o entidad. Samantala, mananatili ang tax deduction mechanism para sa minimum na limang porsiyentong diskuwento sa kuwalipikadong buwanang konsumo ng senior citizens sa tubig at kuryente.
Binigyang-diin ni Villar na layunin ng panukala na balansehin ang pangangalaga sa kapakanan ng senior citizens at PWDs at ang pagpapanatili ng isang matatag na kapaligiran para sa mga negosyo. Kinikilala rin nito ang mahalagang papel ng mga pribadong establisimyento sa pagpapatupad ng mga diskuwentong ipinag-uutos ng batas.
“Ang layunin natin ay matiyak na patuloy na matatanggap ng ating mga senior citizen at PWDs ang mga benepisyong nararapat sa kanila, habang binibigyan din natin ng mas patas na sistema ang mga negosyong nagpapatupad ng mga diskwentong ito. Sa ganitong paraan, napangangalagaan natin ang kapakanan ng ating mga kababayan at napapatibay ang ating mga negosyo bilang katuwang sa pag-unlad ng bansa,” pagtatapos ni Villar.

