Advertisers

Advertisers

PAGGALANG SA AUTONOMIYA NG BANGSAMORO, TINIYAK NI PBBM

0 32

Advertisers

Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggalang ng national government sa awtonomiya ng Bangsamoro at sa mga demokratikong institusyon nito, kasunod ng pagkakabuo ng 46-man majority coalition sa Bangsamoro Parliament.

Sa isang pahayag, binati ni PBBM ang mga halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament at tinawag na makasaysayang hakbang ang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.

Ayon kay Marcos, ipinakikita ng matagumpay na halalan na patuloy ang pag-usad ng prosesong pampulitika sa Bangsamoro, na matagal nang naghahangad ng tunay na sariling pamamahala at pangmatagalang kapayapaan.



Bukod dito, kinilala rin ng Pangulo ang pagkakabuo ng majority coalition at ang layunin nitong bumuo ng Government of the Day sa pamamagitan ng itinakdang proseso sa parliament.

Binigyang-diin ni Marcos na nasa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament ang pagpili ng pamunuan nito alinsunod sa Bangsamoro Organic Law (BOL).



Nakahanda aniya ang national government na makipagtulungan sa pamahalaang pormal na bubuuin ng parliyamento upang maisulong ang kapayapaan, katatagan at kaunlarang walang naiiwan.

Kasabay nito, tiniyak din ng Chief Executive na patuloy na susuportahan ng administrasyon ang isang matatag, malaya at mapayapang Bangsamoro, kasabay ng pagkilala sa karapatan ng mga mamamayan nito na pamahalaan ang kanilang sarili. (Gilbert Perdez)