Advertisers

Advertisers

PINAS, ‘WAG MAGPAAPI! CHINESE ENVOY, PAALISIN NA! ATIN ANG WEST PHILIPPINE SEA!

0 24

Advertisers

May mga pananalitang hindi dapat palampasin, lalo na kung ang mga ito ay nagmumula sa isang kinatawan ng dayuhang bansang paulit-ulit na nakakasagupa ng Pilipinas sa usapin ng teritoryo at soberanya.

Ang hamon ngayon ng Chinese Embassy sa mga mambabatas ng Pilipinas na tigilan ang pagbabluff at isakatuparan na ang banta nilang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan ay lalo lamang nagpapainit sa umiiral nang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa halip na humupa ang gusot, tila lalo pa itong lumalalim. At sa gitna ng palitan ng maaanghang na salita, isang mahalagang tanong ang dapat sagutin: Hanggang saan dapat magparaya ang Pilipinas sa mga pahayag na itinuturing nitong banta sa pambansang seguridad?



Hindi biro ang pahayag ni Ambassador Jing na madaling mananalo ang China kung mauuwi sa lantad na armadong labanan ang tensiyon sa West Philippine Sea.

Dahil dito, nagpahayag ng pagkondena si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Department of Foreign Affairs (DFA), at ilang mambabatas, na tumingin sa naturang pahayag bilang isang hindi direktang pagbabanta ng paggamit ng puwersa.



Hindi rin kataka-takang lumakas ang panawagang paalisin na sa bansa ang embahador. Kabilang sa mga mambabatas na nagpahayag ng ganitong paninindigan sina Senador Risa Hontiveros, Erwin Tulfo, Win Gatchalian at House Deputy Speaker Jefferson Khonghun.

Para kay Hontiveros, hindi na sapat ang simpleng pagpapatawag sa embahador upang ipaliwanag ang kaniyang mga pahayag. Sa puntong ito, aniya, dapat nang isaalang-alang ang mas mabigat na hakbang.



Ngunit sa halip na umatras, gumanti ng hamon ang Chinese Embassy sa pamamagitan ng isang pahayag sa social media.

Bakit daw hindi na lamang tuparin ng Pilipinas ang banta nitong pagpapaalis sa embahador sa halip na paulit-ulit itong gamitin sa mga pahayag ng mga pulitiko?

Malinaw ang mensahe ng Beijing: kung talagang desidido ang Pilipinas, gawin na nito.

At dito pumapasok ang usapin ng dignidad at paninindigan ng ating bansa.

Hindi naman nangangahulugang kailangang humantong agad sa pagpapaalis ng embahador ang bawat diplomatikong alitan. May mga prosesong dapat sundin at may mga epekto sa ugnayang panlabas na kailangang timbangin. Ngunit hindi rin dapat ipagkamali ang pagiging maingat sa pagiging mahina, o ang diplomasya sa walang hanggang pagtitimpi.

Ang persona non grata ay isang kinikilalang hakbang sa ugnayang diplomatiko. Kapag idineklara ang isang dayuhang diplomat na hindi katanggap-tanggap, maaaring hilingin ng bansang tumanggap sa kaniya na umalis ito.

Sa ilalim ng Article 9 ng Vienna Convention on Diplomatic Relations, maaaring gawin ng receiving state ang hakbang na ito nang hindi kailangang ipaliwanag ang dahilan.

Gayunman, mahalagang linawin ang legal na proseso sa Pilipinas. Ayon sa pahayag ng Chinese Embassy spokesperson na si Ji Lingpeng, ang pangulo ang may kapangyarihang pormal na magdeklara ng persona non grata sa isang dayuhang diplomat. Sinabi rin niyang kung uutusan si Jing na umalis, gagawin niya ito agad at may buong dangal.

Kung gayon, ang usapin ay hindi lamang kung sino ang may pinakamatalim na salita. Ang tunay na tanong ay kung paano maipakikita ng Pilipinas na hindi nito isinusuko ang sariling karapatan habang pinananatili ang kinakailangang puwang para sa diplomasya.

Sa West Philippine Sea, hindi salita lamang ang nakataya. Nakasalalay rito ang soberanya, kabuhayan ng mga mangingisda, seguridad ng mga Pilipinong naglalayag sa ating karagatan, at ang karapatan ng susunod na henerasyon sa yamang likas ng bansa.

Kaya kung ang panawagan ay “Leave Manila and go back to China,” dapat itong tingnan hindi lamang bilang isang matapang na sigaw, kundi bilang panawagang magkaroon ng malinaw, legal at makabuluhang tugon sa mga pahayag na itinuturing na paghamon sa Pilipinas.

Hindi kailangang makipagsabayan sa maaanghang na salita upang maipakita ang tapang. Ang higit na kailangan ay matatag na paninindigan, maingat na pagpapasya at pagkakaisa sa pagtatanggol sa pambansang interes.

Sapagkat sa usapin ng soberanya, walang bansang dapat magdikta sa Pilipinas kung hanggang saan lamang ang maaari nitong ipaglaban.

Ang diplomasya ay hindi pagsuko. Ngunit ang paninindigan ay hindi rin dapat hanggang salita lamang.
***
Atin ang West Philippine Sea (WPS) at hindi tayo lamang ang nagsasabi nito – patunay ang pagbasura ng 2016 Arbitral Awards sa “nine-dash line” ng China, at sa award, ipinakilala sa buong mundo na tanging karapatan natin ito sa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) nito.

Pasaway, bully, astang maton ang China sa patuloy na panggigipit, walang paggalang sa batas international sa ating claim sa WPS na may matatag na pundasyon ng suporta ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), at maging ng ating mga batas – ang Philippine Baselines Law at Maritime Zones Act.

Naitindig na natin ang ating paninindigan, at sa kabila ng daan-saang diplomatic protest, patuloy ang mga barko ng China sa ilegal na pag-okupa sa mga bahura at teritoryo natin sa Panganiban, Zamora reefs at iba pa.

Muli, uulitin natin, ayon sa UNCLOS (1982), atin ang sovereign rights sa tubig pasigan at aplaya na sakop natin sa loob 200 nautical miles ng exclusive economic zone (EEZ).

Nasa loob ng 200 nautical miles ng EEZ ang mga bahura ng Panganiban at Zamora reef, kaya itigil na nyo, China ang inyong aggression, at hindi tourist destination ang aming mga isla.

Itigil na nyo ang pagiging utak iskwater na basta na lang magtatayo ng istruktura sa mga isla namin tapos saka titirikan ng inyong military at lakas navy.

Banta sa mundo ang ginagawa nyo, China!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.