Advertisers

Advertisers

3-ARAW PIG HOLIDAY, ILULUNSAD; 800 MAGBABABOY MAGRARALI

0 34

Advertisers

Tinatayang 800 magbababoy mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang inaasahang lalahok sa isang malawakang protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA) sa Biyernes, Oktubre 23, upang igiit ang agarang pagkilos ng pamahalaan laban sa patuloy na pagkalugi ng lokal na industriya ng pagbababoy.

Kasabay ng rally, magsasagawa rin ang mga hog raiser ng tatlong araw na “Pig Holiday” mula Huwebes hanggang Sabado, kung saan pansamantala silang hindi magbebenta ng mga baboy sa merkado upang idiin ang bigat ng problemang kinakaharap ng sektor at himukin ang pamahalaan na agad tumugon sa kanilang mga kahilingan.

Sa isang press conference, inanunsyo ni Agap Party-list Rep. Nicanor Briones ang nakatakdang pagkilos ng mga magbababoy, na aniya’y naglalayong bigyang-pansin ang lumalalang kalagayan ng lokal na industriya at ang banta nito sa kabuhayan ng mga nag-aalaga ng baboy.



Ayon kay Briones, umaabot sa P350 milyon kada araw ang tinatayang pagkalugi ng mga lokal na hog raiser. Mula Oktubre 2 hanggang Oktubre 21, 2026, umabot na umano sa P4.75 bilyon ang kabuuang pagkalugi ng sektor.

Iginiit ng grupo na hindi na maaaring ipagwalang-bahala ang kanilang sitwasyon, lalo’t patuloy na naaapektuhan ang kakayahan ng mga lokal na magbababoy na maipagpatuloy ang kanilang operasyon sa gitna ng mga problemang kinakaharap ng industriya.



Kabilang sa mga pangunahing panawagan ng mga hog raiser ang pagtataas ng taripa sa imported na karne ng baboy sa 30 porsiyento para sa in-quota imports at 40 porsiyento para sa out-quota imports. Nais din nilang pansamantalang ihinto ang pag-isyu ng mga import permit at higpitan ang pagbabantay sa mga inaangkat na produktong karne.

Bukod dito, nananawagan ang grupo ng pinaigting na kampanya laban sa agricultural smuggling at mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act upang maprotektahan ang lokal na produksyon laban sa ilegal na pagpasok ng mga produktong agrikultural.



Binigyang-diin din ni Briones ang pangangailangang magkaroon ng makatarungang sistema ng pagpepresyo sa karne ng baboy. Nanawagan siya sa mga trader at retailer na tiyaking hindi lamang ang mga nasa kalakalan ang nakikinabang, kundi maging ang mga lokal na magbababoy at mga mamimili.

Inaasahang makikiisa rin sa mga hakbang upang matiyak ang mapayapang pagsasagawa ng protesta ang mga kinatawan ng 15 departamento ng pamahalaan, ayon sa mga organizer.

Ayon sa mga hog raiser, ang kanilang pagkilos ay hindi lamang para ipaglaban ang kanilang kabuhayan kundi upang itulak ang mga konkretong hakbang na makatutulong sa pagpapanatili ng lokal na produksyon ng baboy.

Giit ng grupo, kung hindi agad matutugunan ang kanilang mga hinaing, posibleng lalo pang maapektuhan ang kakayahan ng mga lokal na magbababoy na magpatuloy sa negosyo, gayundin ang katatagan ng suplay ng karne sa bansa.

Umaasa ang mga hog raiser na magsisilbing hudyat ang kanilang rally at tatlong araw na “Pig Holiday” upang seryosohin ng pamahalaan ang kanilang mga panawagan at makabuo ng mga hakbang na magbabalanse sa kapakanan ng mga lokal na producer at pangangailangan ng mga mamimili sa abot-kayang karne ng baboy.