Advertisers
NASA magandang kamay ang hanay ng Philippine National Police (PNP) na tuluyang nag-aahon mula sa dating kinasadlakan nitong masamang imahe dulot ng kawalan ng suporta ng maraming mamamayan lalo na sa Timog Katagalugan o CALABARZON.

Ang mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Quezon at Rizal ay itinuturing na “hot bed” ng mga ilegalista tulad ng mga operator ng illegal vices at iba pang grupong kriminal.
Ngunit dahil sa isinulong na programa ni Acting PNP Region 4A Director BGen. Dominic Baccay sa pagbaka laban sa masamang elemento ay nabago ang nakagawiang bantulot na suporta sa PNP ng pribado at iba pang sektor ng lipunan.
Epektibo ang PRO 4A B.E.S.T program na inilunsad ng PNPA Kapanalig Class 1997 na heneral Ang PRO 4A B.E.S.T ay sumisimbolo sa Be visible, Engage, Serve Together at Transform Trust.
Kung may ilang police chief na lumilihis sa patakaran at tuwid na landas, protektor o kaya ay kunsintidor sa mga ilegalista ay tiyak na walang puwang ang mga ito sa alinmang police station o mahahalagang unit ng kapulisan sa ilalim ni Gen. Baccay.
Bilang isang dating provincial director, alam ng heneral kung sino ang mga police chief at iba pang opisyales nito ang puspusang nagtatrabaho alinsunod sa kanilang mandato.
Kaya imposibleng makalusot kay Gen. Baccay ang mga kabalbalang nagaganap sa Tanauan City, Sto. Tomas City, Lipa City, Calaca City, mga bayan ng Nasugbu, Tuy, Lemery, Padre Garcia, Rosario, Mataas na Kahoy, San Luis at San Juan. Sentro ang mga naturang syudad at bayan ng operasyon ng illegal vices lalo na ng mga pergalan (peryahan na pulos sugalan) na may shabuhan, sakla, STL bookies at iba pang uri ng bisyo .
Talamak ang ilegal na sugal ng isang alyas Baby Tomboy at ng mga tauhan nitong sina alyas Rommel, Onad at Pajon sa Tanauan City Proper na nasa kahabaan ng A. Mabini Avenue, Brgy. 2. Bukod sa color games ay garapalan din doon ang bentahan ng shabu.
Patuloy na tinutuligsa ng mga residente ng Tanauan City sina Mayor Sonny Collantes at Police Chief Lt Col. Caesar Ian Binucal sa kawalan ng mga ito ng aksyon laban sa mga naturang gambling den. Liban sa mga pasugal na color games ay lantaran din doon ang sakla ng isang alyas Lucido.
Nanawagan ang mga residente kay Gen. Baccay na ipaaresto sina alyas Baby Tomboy at mga alipores nito at si alyas Lucido kasunod ng madugong ambush na ikinasawi ng isang ex-barangay chairman sa naturang siyudad.
Hustisya naman ang panawagan ng mamamayan ng Sto. Tomas City, kaugnay sa pagpatay kay Brgy. Sta. Anastacia Chairman Dennis Austria. Mahigpit ang pagtutol ni Austria sa operasyon ng mga pasugalan ng isang pulis at alyas Makmak sa may Sto. Tomas Exit sakop ng Brgy. Santa Anastacia, ngunit di rin napigilan ang operasyon nito. May utos ang isang makapangyarihang pulitiko na huwag gambalain ang operasyon ng naturang sugalan na may shabuhan.
Nag-ooperate din ng sakla ang isang alyas Adie at alyas Magsino sa naturang siyudad at sa bayan ng Mataas Na Kahoy. Walang aksyon laban sa pergalan/ shabuhan ni alyas Makmak at sakla den nina alyas Adie at alyas Magsino sina Sto. Tomas Mayor Art Marasigan at Police Chief Lt Col. Marlon Cabataña.
Bukod sa Tanauan City at Sto. Tomas City ay may pergalan at shabuhan din sina alyas Mundo sa Poblacion Calaca City at sa bayan ng Ibaan.
May 20 sakla den naman ang pinatatakbo gabi’t-araw nina alyas Oying, alyas Glen Figaro, alyas Sgt. Michelle sa hurisdiksyon nina Lipa City Mayor Eric Africa. Nakapagdududa ang kawalan ng hakbang laban dito ni Lipa City Police Chief Lt Col. Aleli Buaquen.
May mga pasugal din na color games, drop balls at iba pang bawal na table at card games si alyas Baby Tomboy sa Brgy. 3 sa bayan ng Nasugbu. Mistulang bulag, pipi at bingi naman laban dito sina Nasugbu Mayor Jose Antonio Barcelon at Police Chief Lt Col. Angelito Guardian.
Largado din ang operasyon ng sakla sa mga bayan ng Padre Garcia, San Luis, Lemery, Agoncillo, Calaca, Tuy, San Juan at Rosario.
Tiyak na hindi kukunsintihin ni Gen. Baccay ang ilan sa mga police chief nitong kukuya-kuyakoy lamang sa kanilang mga air conditioned na tanggapan. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144