Advertisers

Advertisers

RISA KONTRA CHINA

0 27

Advertisers

HINDI matutuwa si Rigoberto Tiglao sa dalawang matinding dagok na inabot ng China, ang amo niya, mula kay Sen. Risa Hontiveros. Hindi biro ang dalawang aksyon ni Risa kontra sa mapamuksa at mapaminsalang China.

Una, isinumite ni Risa noong ika-20 ng Oktubre ang Senate Resolution 746 kung saan hiningi niya kay Pangulong Marcos ang dalawang bagay: ang dagliang deklarasyon bilang “persona non grata” kay Jiang Quan, sugo ng China sa Filipinas, o hingin sa Peking na pauwiin na si Jiang dahil sa mga pahayag na hindi nakakatulong sa relasyon ng dalawang bansa.

Ikalawa, tahasang ibinisto ni Risa noong ika-25 ng Agosto ang isang Intsik mangangalakal na nangangalang Joseph Sy, o Chen Zhongzen sa tunay na buhay, bilang isang pekeng Filipino na sumapi bilang voluntary civilian auxiliary ng may ranggong honorary commodore sa Philippine Coast Guard.



Hiningi ni Risa ang deklarasyon ng persona non grata kay Jiang o ang pagpapauwi ng Peking sa kontrobersyal na sugo bunsod ng batikos ni Kalihim Gibo Teodoro ng Tanggulang Bansa na naging “troublemaker” (gumagawa ng gulo) ang China sa rehiyon dahil sa sugo. Sinabi ni Jiang na “madaling mananalo” ang China kung didigmain ang Filipinas, ngunit hindi ito gagawin ng Peking dahil “we love peace.”

Tinawag si Risa ang isyu na ito bilang “gray zone aggression in diplomatic form” na ang layunin ng Peking ay hiyain o pilitin ang Filipinas kahit walang paglusob ng kanilang sandatahang lakas sa ating bansa. Sa kanyang resolusyon, binanggit ni Risa ang pagdagsa ng mga sasakyang dagat ng Chinese Navy at Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea (WPS).



Idinagdag ng Risa ang ilegal na pangingisda ng mga sasakyang Intsik sa WPS. Tahasang nilang kinakamkan ang ating yamang dagat, aniya. Ginigipit nila ang mga lehitimong mangingisdang Filipino sa kanilang sariling karagatan, aniya.

Hindi ito pinapayagan ng arbitral ruling noong 2016 kung saan isinakdal ng Filipinas ang China sa kanilang ambisyon na ariin at sakupin ang halos kabuuan ng South China Sea. Nagdesisyon ang United Nations Conference on the law of the Sea (UNCLOS) na pabor sa Filipinas kahit ayaw itong kilalalin ng China. Kinikilala ng international community ang desisyon ng UNCLOS.



Samantala, kinilala ni Risa ang mangangalakal na si Joseph Sy bilang isang tunay na Intsik dahil tumugma ang fingerprint niya sa fingerprint ni Chen Zhongzhen. Ginagamit ni Sy ang pekeng Philippine passport at Ids upang patunay na Filipino siya kahit hindi totoo, ani Risa. Tinagurian niya itong “Alice Guo Part 2.”

Itinuturing si Sy bilang isang sleeper agent ng China sa bansa. Si Sy ang chairman ng Global Ferronickel Holdings, Inc., isang kumpanya na nagluluwas ng mga naminang nickel mula Filipinas sa China. Noong 2018, hinirang si Sy bilang bahagi ng auxiliary force ng Philippine Coast Guard. Bago lumisan sa poder si Gongdi, itinaas ang ranggo niya sa rear admiral na lubhang kagulat-gulat at kasumpa-sumpa.

Sa kanyang resolusyon, binanggit ni Risa ang insidente noong ika-15 ng Oktubre kung saan nangingisda ng ilegal ang isang malaking fishing boat ng China kasama ang apat na ibang maliit ng sasakyan pandagat sa karagatan sa Lawak Island na sakop ng WPS.

Binanggit rin niya ang pagbabawal bilang ganti sa 16 na opisyales ng bayan ng Kalayaan sa Palawan sa pagpasok sa Hongkong at Macau matapos ideklarang persona non grata si Jiang sa Kalayaan. Hindi rin natutuwa si Ria sa pagbatikos ng Chinese Embassy sa Manila sa kanya, Teodoro, Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard, at Kin. Leila de Lima ng Mamamayang Party List dahil sa kanilang pagtutol sa gawi ng China.

Taliwas ang kanyang posisyon sa posisyon ni BBM na pumabor sa diplomatic engagement at sa katangahan ni Robin Padilla na tumawag kay Jiang na isang “maginoo” bilang tanda ng pagsisipsip. Hindi rin natutuwa si Risa sa pagbuhos ng salaping Intsik sa mga pulitikong Filipino tulad ni Misfit Sara.

Tungkol kay Joseph Sy, tinanong ni Risa kung ano talaga ang pakay niya sa bansa. Noong bumisita si Gongdi sa Peking, nakipagkasundo ang kanyang kompanya sa Baiyin Nonferrous Group Inc. Ltd., isang kompanyang Intsik, upang palawigin ang operasyon ng pagmimina sa Palawan, ang pinakamalapit na lalawigan sa China.

Nilabag niya ang Konstitusyon dahil hindi pinapayagan ang mga dayuhan na magmina sa bansa. Kailangan siyasatin ng Senado ang kanyang mga aktibidad kasama ang kanyang affiliation, background, at iba pang detalye sa kanyang operasyon sa bansa.

Ano kaya ang masasabi ni Rigoberto?