Advertisers

Advertisers

RESPONSIBLE GUN OWNERSHIP AT KAMPANYA LABAN SA ILLEGAL FIREARMS, PATULOY NA ITINATAGUYOD NG AFAD

0 43

Advertisers

“Hindi baril ang tunay na problema, kundi ang taong gumagamit nito nang walang disiplina at pananagutan.”

Sabi nga, hindi sapat na may lisensya ang isang tao. Kaakibat nito ang pagsunod sa batas at pag-iingat upang hindi malagay sa panganib ang ibang tao.

Ito ang isa sa mga layuning isinusulong ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD) sa nalalapit nitong 32nd Defense and Sporting Arms Show Part 3.



Gaganapin ang nasabing expo sa Nobyembre 18 hanggang 22,2026 sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City.

Hindi lamang ito basta pagtitipon ng mga nagtitinda at mahilig sa baril. Isa rin itong pagkakataon upang ipakita na may malaking papel ang tamang pamamahala sa industriya ng baril sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.



Sa pangunguna ni AFAD President Aric Topacio, patuloy na isinusulong ng grupo ang responsible gun ownership at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Tama lamang na suportahan ang ganitong adbokasiya. Sa panahon naman kasi ngayon, malaking problema ang pagkalat ng mga baril na walang rehistro at ginagamit sa mga ilegal na gawain.



Hindi dapat mapunta sa maling kamay ang mga armas. Kaya mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga lehitimong negosyante, may-ari ng baril at mga ahensya ng pamahalaan upang mapigilan ang ilegal na bentahan at paggamit nito.

Magandang hakbang din ang pag-anyaya ng AFAD sa Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapalakas ang ugnayan ng pribadong sektor at pamahalaan.

Sa isang panayam, sinabi ni Topacio na dapat malinaw sa lahat na ang pagkakaroon ng baril ay may kaakibat na malaking pananagutan, kabilang dito ang wastong pag-iimbak, ligtas na paghawak at pagsunod sa lahat ng kailangang permit at lisensya.

Mahalaga ring pakinggan ang panig ng mga lehitimong may-ari at negosyante sa paggawa ng mga patakaran. Dapat mahigpit ang regulasyon, ngunit hindi naman dapat pahirapan ang mga sumusunod sa batas.

Hindi rin dapat kalimutan ang adhikain ng AFAD na makatulong sa pag-unlad ng Philippine shooting sports. May mga atletang Pilipino na nangangailangan ng sapat na ensayo at kagamitan upang makasabay sa mga pinakamahusay na manlalaro sa ibang bansa.

Makatuwiran ang panawagan ng grupo na mabigyan ng sapat na bala para sa pagsasanay at kompetisyon ang mga kwalipikadong atleta, basta’t dumaan ito sa tamang pahintulot at mahigpit na regulasyon ng pamahalaan.

Hindi magiging mahusay ang isang atleta kung kulang ang panahon at pagkakataon para magsanay. Dapat bigyan sila ng suporta upang mas maipakita ang kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng shooting sports.

Sa ganitong paraan, hindi lamang industriya ng baril ang natutulungan kundi pati ang mga atletang nangangarap na magdala ng karangalan sa bansa.

Ang isasagawang expo ng AFAD ay magandang pagkakataon din upang magkaroon ng palitan ng kaalaman at pag-uusap tungkol sa mga bagong patakaran, produkto at serbisyong may kinalaman sa lehitimong industriya ng baril at bala.

Nararapat suportahan ang mga programang nagtataguyod ng disiplina, kaligtasan at pagsunod sa batas.

Aba’y hindi kaaway ng kaligtasan ang responsableng pagmamay-ari ng baril.

Ang tunay na dapat labanan ay ang ilegal na bentahan, maling paggamit at kawalan ng pananagutan.

***

Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.
-30-