Advertisers
HINIMOK ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang mga kasamahan sa Kamara na imbestigahan ang naganap na pagbawas sa pension fund ng retired uniformed personnel sa ilalim ng 2021 GAA.
Kasunod ito ng rebelasyon ni ANAKALUSUGAN Rep. Mike Defensor sa kanyang privilege speech na mayroong P20 billion na pondo para sa pension at gratuity fund ng retired uniformed personnel ang nawala sa national budget.
Ayon kay Rodriguez, kahalintulad ito ng nangyari sa 2019 budget kung saan naaprubahan at na-ratify na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang pambansang pondo ngunit nang i-imprenta ay biglang may mga budget na nawala.
Batay sa isiniwalat ni Defensor, nagulat umano ang DBM na nabawasan na ang pondo para sa pension at gratuity fund sa nilagdaang 2021 GAA ng Pangulong Duterte.
Suportado ni Defensor ang panawagan ni Rodriguez at naniniwala na kailangan ng motu propio investigation hinggil sa isyu.
Nilinaw naman ni Rodriguez na hindi na kailangan pang maghain ng resolusyon para ipanawagan ang imbestigasyon dahil nai-refer na ang usapin sa Committee on Rules. (Henry Padilla)