Advertisers
MAKALIPAS ang anim na taon, natagpuan narin ang mga labi ng apat na Pinoy oil workers na kinidnap at pinatay ng Islamic State extremist (ISIS) sa Libya.
Ayon kay Philippine Embassy in Tripoli Chargé d’Affaires and Head of Mission Elmer G. Cato, nitong Lunes ay natagpuan ang mga labi ng mga Pinoy oil workers na sina Donato Santiago, Gregorio Titan, Roldan Blaza at Wilson Eligue na nakalibing sa sementeryo ng eastern coastal City ng Derna sa tulong narin ng Libyan authorities.
Nabatid kay Cato na inatake noong Marso 6, 2016 ng ISIS ang Ghani Oil Field sa southern Libya at kinidnap ang apat na Pinoy oil workers at dalawa pang kasamahan ng mga ito na mula sa Austria at Czech Republic.
Nagtatrabaho ang mga biktima sa Austrian contractor Value Added Oil Services (VAOS).
Matapos kidnapin ang mga ito, pinatay sila ng ISIS.
Sa report, nakita sa video sa isang laptop nang napatay na ISIS fighters sa Derna ang isinagawang execution sa mga biktima.
“After six long years, the families of our four kababayans will finally find closure,” ani Cato.
Inaayos na ng embahada ang mga kakailanganin upang maiuwi ang mga labi sa Pilipinas. (Lordeth B. Bonilla)