Advertisers
SIMULA nitong Lunes nasa 30% lamang ng mga empleyado ang pisikal na papasok sa kani-kanilang opisina sa lahat ng kagawaran, departamento at tanggapan ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila base narin sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Inihayag ni Domagoso ang kanyang kautusan makaraang magsagawa ng biglaang pagpupulong nitong Lunes kasama sina Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at mga pangunahing opisyal ng pamahalaang lungsod upang talakayin ang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod.
Batay sa datos ng Manila Health Department, pumalo na sa 1,549 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod kungsaan nasa 28,451 ang kabuuang nakarekober, habang 824 ang kabuuang nasawi sa sakit.
Ipatutupad ang 30% working capacity sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaang lungsod maliban lamang sa mga tanggapan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Public Services, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, gayundin sa anim na pampublikong ospital ng lungsod.
Pinakansela din ni Domagoso kay Manila Police District Chief P / BGen Leo Francisco ang lahat ng “leave” ng kanyang mga pulis, maliban sa kanilang “medical leaves”, upang matugunan ang sitwasyon ng COVID-19 sa lungsod.
(Jocelyn Domenden/andi Garcia)