Advertisers

Advertisers

Higit 7K health workers dumanas ng side effect sa bakuna

0 320

Advertisers

MAHIGIT sa 7,000 healthcare workers na naturukan ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nakaranas ng adverse reaction o side effects.
Ito ang kinumpirma ni Food and Drugs Administration (FDA) Director General Dr. Eric Domingo nitong Huwebes.
Paglilinaw naman niya, karamihan sa mga naranasan ng mga naturukan ng bakuna ay common o pangkaraniwan at expected o inaasahan nang magiging epekto ng bakuna, at hindi naman seryoso o life threatening.
Batay sa datos ng FDA, hanggang nitong Miyerkules ng gabi (Marso 17), ay umabot na sa kabuuang 7,469 ang iniulat na adverse reaction, mula sa kabuuang 240,297 na healthcare workers na naturukan ng COVID-19 vaccine.
Sa naturang bilang, 3,700 ang adverse reaction mula sa CoronaVac ng Sinovac habang 3,769 naman ang mula sa AstraZeneca.
Nasa 7,331 naman umano sa mga ito ang itinuturing na non-serious events, 137 ang serious events pero hindi naman nagresulta sa pagkasawi, habang isa ang sinawimpalad na bawian ng buhay.
Halos pareho lang ang naitala nilang mga adverse effects o epekto ng AstraZeneca at CoronaVac, kabilang ang general symptoms na pananakit ng katawan, chills o panginginig, chest discomfort o paninikip ng dibdib, at fatigue o pagkapagal.
Mayroon din naman nakaranas ng pagkahilo o sumakit ang ulo at tumaas ang blood pressure.
Sabi ni Domingo, itinuturing na seryoso ang adverse event kapag nagresulta sa pagkasawi o life threatening situation, kinailangang maospital ng matagal nagresulta sa persistent o significant disability, birth defect, o iba pang medically important event o reaction.
Ipinaliwanag naman ni Domingo na ang isang healthcare worker na pumanaw ay nagkaroon ng COVID-19 pagkatapos mabakunahan.
Paglilinaw pa niya, ang dahilan ng pagkasawi ay dahil sa COVID-19 at hindi dahil sa bakuna.
Tiniyak naman niya na nakikipag-ugnayan na ang FDA at Department of Health (DOH) sa ibang mga bansang nakapagkasa na din ng COVID-19 vaccination, upang matukoy kung sila ay nagkaroon ng kahalintulad na insidente. (Andi Garcia/Jocelyn Domenden/Jonah Mallari)