Advertisers

Advertisers

BABAENG PASAHERO HINOLDAP AT PINATAY NG GRAB DRIVER

0 475

Advertisers

ARESTADO ang isang Grab driver at kasabwat nito sa paghodap at pagpatay sa babaeng pasahero noong Biyernes Santo sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Carlota Antasuda, 24 anyos, ng Pasig City.
Ayon kay Quezon City Police director, Brigadier Gen. Danilo Macerin, naaresto ang mga salarin na sina John Lester Alhambra, 24, Grab driver, ng Carissa 4C, Barangay Kaypian, San Jose Del Monte, Bulacan; at Bryan Kennet Yumol, 24, ng Venus Compound, Sitio Libjo, Brgy. Sto. Mini, Parañaque City.
Sa ulat ng QCPD-Crime Investigation Section (CIS), nagpa-book sa Grab si Antasuda at nagpapahatid sa kanilang tahanan sa Pasig City noong madaling araw ng Abril 2.
Sa booking ng biktima, isang itim na Toyota Innova na may plakang NDA-3563 na minamaneho ni Alhambra ang da-pat sana susundo sa biktima 12:42 ng madaling araw sa UP Techno Hub, sa Brgy. UP Diliman, Quezon City.
Gayunman, hindi itim na Toyota Innova ang dumating kundi isang brown Mitsubishi Montero na dala ni Alhambra. Sumakay naman ang biktima, ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay nakasakay at nagtatago sa likod ng behikulo si Yumol.
Pagkasakay ng biktima ay bigla itong tinutukan ng patalim ng salarin at nagdeklara ng holdap saka kinuha ang kanyang mahahalagang gamit.
Hindi pa nasiyahan, pinagsasaksak ng mga salarin ang biktima at inihulog ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Ocean Park sa Brgy. Sauyo, Novaliches, QC. Natagpuan ang bangkay ng biktima at naiulat lamang ang krimen 12:30 na ng tanghali ng nasabi ring petsa.
Naaresto sa follow-up operation ang mga salarin, 8:30 ng gabi sa loob ng Sauyo Flea Market.
Nakuha sa mga salarin ang isang gintong kuwintas at isang Anne Klein wristwatch na positibong tinukoy ni Mila Carmel Antasuda na personal na pagma-may-ari ng kanyang kapatid na si Carlota.
Narekober din ang brown Mitsubishi Montero na may plakang RMZ-170 na ginamit ng mga salarin sa krimen sa Rosal St., Old Sta. Mesa, Manila.
Nakatakdang sampahan ang mga salarin ng kasong robbery with homicide sa piskalya.(Boy Celario)