Advertisers
MAS marami na ang maaring lumabas ng bahay sa kabila ng ipinaiiral na Enhanced Community quarantine (ECQ) matapos baguhin muli ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kanilang omnibus guidelines partikular na sa age restrictions at mga manggagawa.
Sa Laging Handa Press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na maari nang lumabas ang mga nasa edad 18 pataas, mula sa dating 15 anyos.
Papayagan na ring makapag-operate in full capacity ang mga health, emergency at frontline services tulad ng HMO, health insurance providers, disaster risk reduction management officers at public safety officers.
Full capacity operation din ang mga essential retail trade and services tulad ng hardware, office supplies, bicycle shop at public transport providers.
Samantala, papayagan naman mag-operate ng skeletal system ang mga janitorial at sanitation services, mga establisimyento na nagre-repair ng mga machinery equipment, mga abogado, guro at propesor.
Magugunitang muling isinailalim sa ECQ ang National Capital Region (NCR) Plus Bubble na kinabibilangan ng Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal hanggang Abril 11 dahil sa pagtaas ng covid cases. (Jonah Mallari/Vanz Fernandez)