Advertisers
TINIYAK ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makukuha pa rin ang ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) kahit na sinimulan na ang pamimigay ng bagong ayuda na ibinaba naman sa mga lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Irene Dumlao, tagapagsalita ng DSWD, na ang budget ay nai-release na sa mga local government units na siyang mangangasiwa sa pagbibigay ng ayuda para sa mga naapektuhan ng ikalawang round ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus bubble areas – ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.
Aniya, ang mga benericiaries na hindi pa nakakakuha ng 2nd tranche ng SAP ay makakakuha pa rin.
Ang listahan na mula sa DSWD ay maari lamang gawing basehan ng mga LGUs subalit ang final say ay magmumula pa rin sa LGUs.
Paliwanag pa ni Dumlao, bawat LGUs ay kailangan magpaskil ng list of beneficiaries at magtalaga ng Grievance and Appeal Committee kung saan pwedeng magreklamo ang isang tao na hindi mabibigyan ng ayuda.
Idinaan umano sa LGUs ang pamamahagi ng ayuda upang mas mabilis itong maipaabot sa mga beneficiaries.
Gayunman ang DSWD at Department of Interior and Local Government (DILG) ay patuloy na magmomonitor at mag-iinspeksyon upang matiyak na maayos na naipapamahagi ang ayuda. (Jonah Mallari)