Advertisers
NANATILI parin ang may 240 mga Maritime Militia ng Chinese sa West Philippine Sea batay sa National Task Force for the West Philippine Sea.
Base sa isinagawang maritime at sovereignty patrol noong April 11, 2021, umabot sa 240 Chinese vessel ang namataan sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone ng bansa.
Sa ulat ng AFP Western Command, 136 na barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) ang nasa Burgos (Gaven) Reef, siyam sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, 65 sa Chigua (McKennan) Reef, anim sa Panganiban (Mischief) Reef, tatlo sa Zamora (Subi) Reef, apat sa Pag-asa (Thitu) Islands, isa sa Likas (West York) Island, at lima sa Kota (Loaita) Island, at 11 sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Tinuligsa ng NTF-WPS ang patuloy na pananatili ng mga barko ng CMM sa EEZ ng Bansa.
Ang mga nasabing fishing vessel ay mayroon 60 metro ang haba na mayroong kakayahan na makahuli ng 240 kilos ng isda araw-araw.
“These acts fall under illegal, unreported and unregulated fishing (IUUF) batay sa NTF-WPS.
Binatikos din ng NTF-WPS ang ginagawang pagkuha ng mga Chinese fishermen ng mga giant clams sa bisinidad ng Pag-asa island na umano’y paglabag sa batas ng Pilipinas at Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).
Bukod sa 240 Chinese vessels, na-monitor din ang dalawang People’s Liberation Army Navy (PLAN) Houbei class missile warships sa Panganiban Reef, isang Corvette class warship sa Kagitingan (Fiery Cross) Reef, isang Navy Tugboat sa Zamora Reef, 2 Chinese Coast Guard (CCG) vessels sa bisinidad ng Pag-asa Islands, 2 PLAN, 3 CCG, at 10 CMM vessels sa Bajo de Masinloc (Scarborough) Shoal.
“The combined presence of PLAN warships, CCG and CMM in the Municipality of Kalayaan and the Philippine EEZ is prejudicial to the peace and security of the region,” saad ng NTF-WPS.
Unang iginiit ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang agarang pagpapaalis sa lahat ng mga barko ng China sa EEZ ng bansa. (Mark Obleada)