Advertisers
PLANO paigtingin ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang kanilang Covid-19 pandemic assistance sa pamamagitan ng paglalaan ng halos P10 milyong halaga ng relief goods sa mga lungsod at lalawigang kasama sa ‘NCR Plus’ bubble, pahayag ng isang opisyal ng INC nitong Linggo, Abril 18, 2021.
Ang humanitarian drive ng INC, sa ilalim ng Lingap sa Mamamayan program, ay mamamahagi ng “goody bags” sa mga lugar na pinaka-apektado ng corona virus simula Abril 18 – 30 ng taon.
“Sa pangunguna ng aming Tagapamahalang Pangkalahatan, Kapatid na Eduardo V. Manalo, at ng buong INC ay patuloy na kumikilos ayon sa diwa ng Bayanihan na pinangungunahan ng ating gobyerno. Kami, bilang isang organisasyon, ay gagawin ang aming bahagi sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan – yaong mga nawalan ng trabaho, mga nangangailangan ng pagkain at pangunahing mga suplay, mga nangangailangan ng pag-aaruga dahil sa kasalukuyang kinakaharap na health emergency,” pahayag ni Bro. Glicerio P. Santos IV ng Finance Department ng INC.
Ipinaliwanag ni Santos IV na makikipagtulungan sila at makikipag-ugnayan sa local government units ng beneficiary areas para sa isang maayos na pamamahagi ng goody bags.
Ang initial phase ng Lingap initiative, may inilaang budget na P9.8m, ay kinabibilangan ng mga sumusunod na LGU at lalawigan sa NCR Plus bubble: Quezon City (P1.6m worth of goody bags), Manila (P500K), Caloocan (P500K), Las Piñas (P300K), Makati (P300K), Malabon (P300K), Mandaluyong (P300K), Marikina (P300K), Muntinlupa (P300K), Navotas (P300K), Parañaque (P300K), Pasay (P300K), Pasig (P300K), Pateros (P300K), San Juan (P300K), Taguig (P300K), Valenzuela (P300K), Rizal (P1m), Laguna (P500K), Cavite (P500K) at Bulacan (P1m).
“Tayo ay hinihimok ng ating Tagapamahalang Pangkalahatan na magmalasakit sa ating kapwa. Siya ang aming gabay at inspirasyon sa buong pagsisikap na pagtulong sa mga nangangailangan. Ito ay pambungad na yugto pa lamang ng aming Covid Lingap. Marami pang kaagad na pinaplano pagkatapos nito. Pina-finalize na natin ang nilalaman ng mga goody bags ngunit siguradong isasama natin ang mga food and hygiene items at posibleng mga basic medical supplies,” pagbibigay diin ni Santos IV.
Nabanggit ng opisyal na ang kasalukuyang Lingap ay pagpapatuloy ng series of humanitarian initiatives na pinangasiwaan ni dating General Auditor Bro. Glicerio B. Santos, Jr. sa loob ng maraming taon.
Ang matagumpay na Lingap at Aid to Humanity campaigns ay ginanap sa buong Pilipinas, sa iba’t ibang bahagi ng Asia, Africa, Australia-New Zealand, mga kontinente ng America at sa Europa.