Advertisers
BINUGBOG ang isang water delivery rider ng tanod sa checkpoint sa Barangay Plazang Luma, Arayat, Pampanga dahil sa kawalan nito ng negative swab test para makapag-deliver ng tubig sa lugar.
Kinilala ang biktima na si Jeffrey Mercado, may-ari ng refilling water station; at ang nambugbog ay kinilalang si Sonny Mariano, hepe ng mga tanod sa nasabing barangay.
Ayon kay Mercado, hindi siya pinayagang makapasok sa naturang lugar at sinabing hindi naman daw “essential” ang dala nitong tubig at kailangan din nitong magpakita ng negative swab test result.
“Sabi sa’kin, kailangan may certification akong galing sa barangay na negative sila sa COVID. Sabi ko ‘tubig ‘to, bakit hindi niyo maintindihan?’”, wika ni Mercado.
Hanggang sa nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo ng tanod at nasuntok ito.
Samantala, sinabi ni Mariano na hindi nila pinapayagan makapasok ang mga empleyado ni Mercado sa kanilang barangay dahil hindi nila kilala ang mga ito at hindi rin ito residente sa lugar. Hinihingan din nila ang mga ito ng identification card.
Inamin ni Mariano na siya ang nagsimula ng suntukan dahil nabastos siya ni Mercado. Subali’t itinanggi nitong sinabi niyang hindi kabilang ang tubig sa mga essential na pagkain.
Ipinagtanggol naman ni Barangay Chairperson Maria Martinez ang mga tanod sa kanilang lugar na sumusunod lamang ang mga ito sa protocols.
At sinabi nito na hindi totoong humihingi sila ng negative swab test result bago makapasok sa kanilang barangay.