Advertisers
IGINIIT ng isang eksperto sa bakuna na totoong may mapanganib na coronavirus disease o covid-19 na kumakalat sa buong mundo.
Sa ‘Save the Nation Forum ng National Press Club’, pinaliwanag ni Dr. Lulu Bravo, vaccine expert at professor emeritus sa UP-PGH, na totoo ang virus gaya ng katotohanan na mayroong araw, buwan at may Diyos.
Aniya, mapanganib ang covid-19 na kumalat sa buong mundo at ito ay maaaring labanan sa pamamagitan ng pag-iingat gaya ng pagsunod sa standard health protocols na pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at ipananalangin aniya sa Diyos na makaligtas ang sambayanan sa lupit ng virus.
Ginawa ni Dr. Bravo ang pahayag bilang tugon sa reaksiyon ng mga mamamayan na “walang covid-19 at hindi totoo ang naturang virus.”
Ipinaliwanag ni Dr. Bravo na kailangang paniwalaan na mayroong virus at ito ang sanhi ng pandemya na hanggang ngayon ay patuloy na hinahanapan ng lunas gaya ng mga bakuna na nasa Pilipinas na at ginagamit upang mailigtas ang mga mamamayan.
Hinikayat ni Dr. Bravo ang publiko na maniwala sa mga sinasabi ng eksperto na kailangang magpainiksiyon bilang proteksiyon sa virus.
Kasabay nito ay pinawi ng doktor ang pangamba ng ilan na nakamamatay ang mga bakuna kasunod narin ng mga report na ilang doktor, midwife at mga indibiduwal ang pumanaw matapos na mabakunahan.
Aniya, ang lahat ng gamot at may adverse effect ngunit ang mga adverse effect na ito ay karaniwan na lamang at inaasahan gaya ng lagnat, sumasakit na kalamnan at iba pa ngunit hindi aniya dapat pangambahan.
Nabatid din kay Dr. Bravo na tatlong porsiyento lamang sa mga nainiksiyunan ng Sinovac at AstraZeneca ang nagkaroon ng adverse effect na minonitor ng DOH at mga otoridad.
Dagdag niya, magiging ligtas ang lahat basta sumunod lamang sa mga eksperto, DOH, FDA. (Gina Mape)