Advertisers
HINAHANDA na ng Department of Health (DOH) ang mga home care kits para sa COVID-19 patients.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito’y alinsunod mismo sa kautusan ng Office of the President, sakaling naisin ng mga pasyente na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan para doon mag-quarantine.
Sinabi ni Vergeire, ang mga naturang kit ay maglalaman ng mga pangunahing pangangailangan para labanan ang COVID-19 gaya ng mga bitamina at paracetamol.
Mayroon rin aniya itong mga instruksiyon kung paano hihingi ng medical consultation sa pamamagitan ng telemedicine platforms.
“The Office of the President mismo ang nag-meeting sa amin tapos sabi nila, ‘yung home care package, gawin niyo ‘yan para ‘yung ating mga kababayan, if they wish to stay home or if they are asked to stay home, they are confident because they have this kit,” paliwanag ni Vergeire, sa panayam sa telebisyon.
Sa ngayon ay nakikipag-usap na aniya ang DOH sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang siyang mag-finance sa mga kits.
Matatandaang dahil sa panibagong surge ng COVID-19 cases sa NCR Plus areas ay naging punuan ang mga pasyente sa mga pagamutan at maging quarantine facilities, kaya’t napipilitan ang ibang dinapuan ng karamdaman na sa kani-kanilang tahanan na lamang mag-quarantine o sumailalim sa homecare at telemedicine services. (Andi Garcia)