Advertisers

Advertisers

Mga residente sa Malolos nagsayawan sa gitna ng kalsada, health protocols binalewala

0 176

Advertisers

SA kabila ng paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad tungkol sa mga restriksyong ipinatutupad ng pamahalaan upang mapigilan ang pagdami ng mga taong nahahawaan ng COVID-19, tila balewala ang mga iyon sa mga residente sa isang barangay sa Malolos, Bulacan.
Sa isang video, makikita ang maraming residente ng Barangay Look 1st na nagsasayawan sa gitna ng kalsada habang dumaraan ang isang motorcade para sa kapistahan. Halos dikit-dikit na ang mga tao at ang iba ay wala pang suot na face mask at face shield.
Maririnig sa video ang malakas na tugtugin at halakhakan ng mga tao. Ang ilan sa kanila ay may hawak na imahen ng Nuestra Señora de Sto. Rosario habang umiindak sa saliw ng malakas na tugtog mula sa motorcade.
Dismayado sa nangyari ang alkalde ng lungsod na si Bebong Gatchalian , na nag-utos sa pulisya na imbestigahan ang idinaos na pista sa naturang barangay.
Ayon sa kapitan ng Barangay Look 1st na si Romeo Santiago, hindi ipinagpaalam sa kanila ng organizers ang naturang activities.
Sinabi ni Kapitan Santiago na ang nakita sa video na nagsasayaw habang may hawak na poon ay nasa tapat lang daw ng bahay nito. Isinasayaw daw ng lalaki ang poon habang dumaraan ang motorcade.
Humingi ng paumanhin ang kapitan sa nangyari. Nakahanda raw siyang harapin anuman ang kalabasan ng imbestigasyon.
Ang Bulacan ay kabilang sa NCR+ areas na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine kung saan ipinagbabawal ang pagdaraos ng mga pagtitipon gaya ng fiesta. Ang Malolos ang isa sa mga lugar sa Bulacan na mayroong pinakamaraming active cases ng COVID-19.(James de Jesus)