Advertisers
BULLSEYE! Hindi na nakasagot si Pangulong Rody Duterte, “PDut” or “Digong” kung tawagin ng mga kaututang dila niya, nang kasinlakas ng kulog na tinanggap ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio ang hamon niyang debate kungsaan dalawa, tatlong tanong lang daw siya kay Carpio sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Nabigla lang siguro si Digong nang hamunin niya si Carpio ng debate. Inisip niya marahil na hindi siya papa-tulan ni Carpio. Eh walang kagatol-gatol na nag-call sa hamon si Carpio.
Wala sigurong nakapagkuwento kay Digong na si Carpio ay isa ring basagulero, hindi umaatras sa anumang hamon nung kanyang kabataan/estudyante pa ng Law sa UP.
Si Carpio ay isa ring Davaoeño. Cum Laude sa College, Valedictorian sa UP at No. 6 sa Bar. Isa rin siyang debater lalo ngayong kabisado na niya ang mga batas.
No match si Digong kay Carpio! Pramis!!!
Ang gumawa nalang ng palusot para kay Digong ay si Secretary Herminio “Harry” Roque. Sinabi ni Roque na inabisuhan nilang mga Gabinete ang Pangulo na ‘wag na siya ang makipag-debate kay Carpio dahil hindi niya ito ka-level. Presidente siya at abogado nalang si Carpio.
Sabi ni Roque, kung gusto talaga ni Carpio ng debate, sila nalang ang mag-debate sa isyu ng WPS o anumang isyu.
Sumingit din si Sec. Sal Panelo, ang presidential legal chief na wala pa yatang naipanalong kaso as lawyer. Sila nalang daw ni Carpio ang mag-debate tutal pareho naman silang Sigma Rho.
Pati si Senador “Bato” Dela Rosa ay on the rescue rin sa kanyang among Duterte. Aniya, tutal kumalat ang hashtag na #duwagDuterte, dapat rin aniyang magkaroon ng hashtag na #duwagCarpio dahil hindi nito tinanggap ang hamon ni Roque.
Ang netizens na ang sumagot sa mga ngakngak nina Roque, Panelo at Bato:
Sabi ni netizen Sheena: “Kung sino ang naghamon, siya dapat lumaban. Si Duterte ang naghamon kay Carpio, bakit iba ang kanyang ilalaban? Duwag! Bully na pangulo.”
Sabi naman ni Belabelle: “Nagmukhang tanga si Duterte sa kanyang pag-atras. Malas talaga ng Pilipinas kay Duterte. Ito namang si Roque, ang dapat iharap sa kanya si Vice Ganda o kaya si Ogie.” Puede! Hehehe…
Tirada naman ni Alcadio: “Kahit pa siguro pagsabayin sina Duterte, Roque, Panelo at Bato, ilalampaso lang sila ni Carpio sa debate. Si Panelo pasiklab lang ‘yan kasi kakandidato uling Senador ‘yan. Walang kapana-panalo ‘yan.”
Ilan lang ito sa malulupet na reactions ng netizens sa pag-atras ni Duterte sa kanyang hamon.
Sa totoo lang, si Duterte ay hanggang hamon lang. Pag pinatulan, umaatras. Pramis!
Minsan narin niya hinamon ng duelo ang brodkaster na si Waldy Carbonel. Sumipot si Waldy sa venue ng paglalabanan nila, hindi dumating si Duterte.
Tingnan mo ‘yung banat niya noong kampanya na kapag nahalal siyang pangulo ay mag-jetski siya sa WPS dala ang bandera ng Pilipinas at itutusok niya sa airport ng China doon. Nangyari ba?
Matapang si Duterte noong mayor pa dahil hawak niya ang pulisya sa kanyang lungsod, lalo ngayong presidente kontrolado niya ang lahat partikukar AFP, PNP, DoJ. Pag nawala siya sa puwesto, magtatago na ‘yan, sabi ni dating Senador Antonio Trillanes. Subaybayan!