Advertisers

Advertisers

‘Duwag si Duterte’

0 1,721

Advertisers

BAGO ang lahat, ang utos ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar bilang bagong hepe ng PNP: Huwag gumamit ng dahas ang lahat ng pulis sa mga tao na mahuhuli na walang face mask o mali ang paggamit ng face mask. “P uwede natin silang arestuhin, pero hindi natin sila dapat parusahan at lalong hindi natin sila dapat saktan. Kapag ginawa ninyo ito, mananagot kayo sa akin,” ani Eleazar na pumalit sa kontrobersiyal na si Debold Sinas.

May hiling si Eleazar sa bayan: “Para naman sa ating mga kababayan, mahigit isang taon na po tayong nilalabanan ang pandemya. Hindi na dapat kayo sinasabihan kung ano ang dapat gawin para protesksiyunan ninyo ang inyong sarili at pamilya, at lalong hindi na dapat tayo nag-a-arestuhan pa.” Kinilala ni Eleazar ang karapatang pantao ng bawat mamamayan, isang bagay na nakakaligtaan ng maraming pulis at nakalipas na pamunuan.
***
SI Rodrigo Duterte ang unang naghamon ng debate kay Antonio Carpio tungkol sa usapin ng pangangamkam ng Tsina sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Ginawa ni Duterte ang paghamon sa pagharap sa TV noong Miyerkoles ng gabi. Kinaumagahan, walang paligoy-ligoy na tinanggap ni Carpio ang hamon ni Duterte. Nag-alok ang Philippine Bar Association, isang organisasyon ng mga manananggol, na tangkilikin ang debate at tinanggap ito ni Carpio.

Kinaumagahan ng Biyernes, binawi ni Duterte ang hamon at sinabi na hindi na siya ang haharap kay Carpio sa isang debate na malamang mauwi sa katatawanan sapagkat hindi magaling na abugado si Duterte. Humarap sa isang pulong balitaan sa Malacanang ang utusan na si Harry Roque at sinabi na siya ang inatasan ng tila bangag na si Duterte na humarap at makipagdebate kay Carpio. Nag-iba ang timpla ng ibinandong “debate ng dekada.”



Biglang nagkagulo sa social media. Maraming netizen ang ang nagtawanan at pinagtawanan si Duterte. “Duwag si Duterte” – ito ang nagkakaisang sigaw ng mga netizen. Bumaha ang kalatas ng pangungutya at pagmamaliit sa kakayahan ni Duterte. “Mabuti pa ang lugaw, essential na, may itlog po” – ito ang patutsada ni Edwin Lacierda, dating tagapagsalita ni Pnoy, sa social media. Naging viral ang isyu. Hindi nakapalag si Duterte. Natahimik ang mga troll sa socmed.

Naisip namin na pansamantalang kabiguan ang nangyari kay Duterte. Binigyan ng allowance kung makakabawi ang padalos-dalos na pangulo. Tiningnan kung may tsansa na makabawi ang tila baliw na pangulo. Noong Sabado at habang isinusulat namin ang munting pitak sa araw ng Linggo, pulutan pa si Duterte ng libo-libong netizen. Mukhang tumatak sa isip ng mga tao na duwag si Duterte. At taksil sa bayan, sa maikling salita.

***

SINABI ni Roque na umurong si Duterte dahil hindi magandang tingnan na nakikipagdebate siya sa tinawag niyang “ordinaryong abogado.” Ito umano ang payo ng ilang kasapi ng Gabinete na hindi kinilala ng utusan. Ngunit hindi ordinaryong abugado si Carpio tulad ng kanilang maling akala. Kinikilala si Carpio bilang isa sa pinakamahusay na manananggol ng bansa. Siya ang isa sa mga nagtatag ng Carpio, Villaraza & Cruz Law Offices, isa sa pinakamalaking bupete sa Makati na ang pangunahing kliyente ay mga malalaking kumpanya.

Nagsilbi sa loob ng 18 taon bilang mahistrado ng Korte Suprema si Carpio at nagretiro noong sumapit ang kanyang ika-70 kaarawan noong 2019. Marami siyang isinulat na desisyon sa iba’t-ibang larangan ng batas. Personal advocacy ni Carpio ang usapin ng South China Sea. Siya ang nagsaliksik ng mga pasikot-sikot na sanga sa kasaysayan at batas ng usapin.

Kahit mahistrado sa Korte Suprema si Carpio, iminungkahi niya kay Pangulong Noynoy Aquino na maghain ng sakdal sa Permanent Arbitration Commission ng United Nations Conference of the Law of the Seas (UNCLOS). Nanalo ang Filipinas sa sakdal sa Commission na nagsisilbing hukuman ng mga usapin sa karagatan. Tinawag na kathang isip na hindi batay sa kasaysayan at batas ang teyoryang Nine-Dash Line na ipinipilit ng Tsina bilang batayan ng kanilang pag-aangkin sa halos kabuuan ng South China Sea.



Si Carpio ang nagsaliksik tungkol sa kabuuan at detalye ng teyoryang Nine-Dash Line na hindi binigyang saysay ng UNCLOS Commission. Pawang mga input ni Carpio ang iniharap ng Filipinas sa Commission sa paglilitis na tumagal ng tatlo at kalahating taon. Ang mga detalye ni Carpio ang kumumbinsi kay Noynoy Aquino na iharap ang sakdal. Bahagi ng international law ang 2016 desisyon. Ito ang pinanghahawakan ng maraming bansa kapag dumadaan sa South China Sea sa ngalan ng world commerce. Walang magawa ang Tsina kundi magmasid.

Kaya hindi ordinaryong abugado si Carpio tulad ng paniniwala ni Duterte at sinasabi ni Roque. Si Roque ang patapon at pipitsugin na manananggol. Pinagtatawanan sa komunidad ng mga abugado dahil wala siyang naipanalong kaso. Nag-umpisa bilang mananaggol ng karapatang pantao, o human rights, ngunit naging tagapagtanggol ng human wrong. Hindi siya inalipusta ni Carpio kahit alam niya ang hindi magandang reputasyon ni Roque sa mga abugado.

Tinanggihan ni Carpio na harapin ang isang mahinang klaseng abugado na si Roque bilang kinatawan ni Duterte sa nabigong debate. Ngunit may simpleng insulto kay Roque. Nanloloko lang si Roque nang itakda niya ang mga tema ng pagdedebatehan. Hindi iyon ang mga tema ng debate, ani Carpio. Walang pagdedebatihan doon. Tigil si Roque na tila natulala. Hindi niya kaya si Carpio na tinitingala bilang isang higante sa batas. Lalamunin siya ng buong-buo ni Carpio kung magdedebate sila. Hindi pinatulan si Harry Roque.

***

MAY higing ng katotohanan ang sapantaha ng aming kaibigan na si Ba Ipe, isang kolumnista sa pahayagan na ito, na nais lamang ni Duterte na pawalan ng saysay o palabnawin ang panalo ng Filipinas sa UNCLOS. Sinusunod ni Duterte ang nais ng Tsina na gawin niya. Ang iabandona ang desisyon at opisyal na ideklara na hindi katig ang Filipinas.

Ngunit tinalian sa kamay si Duterte ni Teodoro Locsin Jr., kalihim ng DFA. Si Locsin ang sumulat na pahayag ni Duterte sa 75th General Assembly ng United Nations noong 2020 kung saan kunukumpirma niya ang pagkatig ng Filipinas sa desisyon ng Commission. Bahagi ito ng foreign policy ng Filipinas,ani Duterte. Dahil hindi niya mabaligtad ang kanyang pahayag sa United Nations, hindi basta maaaring iabandona ng Filipinas ang desisyon.

Sa maikli, naisahan ni Locsin ang bungangero niyang amo. Isinaksak niya sa isang sitwasyon na hindi maaaring baligtarin. Pagtatawanan ng mundo si Duterte kapag umiba siya ng direksyon sa foreign policy na binasa niya sa pulong ng United Nations. Magmumukha siyang gago.

***

LINGID sa kaalaman ng marami, si Carpio ang pailalim na nagtrabaho upang buksan ang industriya ng telekomunikasyon. Dati itong monopolyo ng PLDT, ngunit nabaligtad noong panahon ni Fidel Ramos. Presidential Legal Adviser ni FVR si Carpio. Kinumbinsi niya si FVR na panahon na upang alisin ang monopolyo ng PLDT. Ganyan si Carpio. Malinis magtrabaho. Hindi katulad ng Harry Roque na utusan lang at nagmamagaling kahit walang alam.