Advertisers
PINANGANGAMBAHANG malaking halaga na ang nagpasa-pasa sa mga kamay ng malaking grupo na makapangyarihan sa Malacañang at maimpluwensiya sa Administrasyong Duterte, para makopo lamang ang P2.2 billion project para sa 4-lane connector road sa Clark City hanggang Industrial Park sa Pampanga.
Iginigiit ng grupo na ang proyekto, na binubuo ng 8.8 kilometrong kalsada, ay dapat mapunta sa bidders na hawak nila na kilala lamang bilang “EML”, “LUCKY STAR” at “SONA”.
Itinago sa pamamaraan ng “joint venture (JV)” ang mga kompanya para pumasa sa “requirements” na inilatag ng Bases Convertion and Develoment Authority (BCDA) na siyang pangunahing ahensiyang nagplano at nais maisagawa ang proyekto para sa ikauunlad ng Clark.
Ang bidding ay pangangasiwaan din ng Department of Budget and Management (DBM) kasama ang BCDA para sa maayos na pag-a-award ng napakalaking halaga ng project.
Ngunit tila taliwas ang ginagawa ng maimpluwensiyang grupo na kinabibilangan ng malalaking pangalan sa Administrasyong Duterte, dahil mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nag-utos sa lahat ng ahensiya kabilang na ang kanyang mga itinalagang opisyal na labanan ang korupsiyon sa kanyang pamamahala.
Simula pa ng nakaraang taon ng buwan ng Nobyembre (2020) bago pa inanunsyo ang pagbi-bid sa proyekto, kumilos narin ang nasabing grupo upang maisali ang kanilang mga pinapaburang kompanya sa bidding.
Ang BCDA na likha ng Republic Act No. 7227 at naamiyendahan ng Republic Act 7917 ay may mandato na palitan sa kapaki-pakinabang na paraan ang mga dating base militar sa bansa upang mapagkunan din ng pagkakakitaan para sa pamahalaan.
Kabilang dito ang Clark Airbase at mga kampo militar sa Metro Manila na sa ngayon ay tinatawag nang Bonifacio Global. Maaaring ipagbili ng BCDA ang mga pag-aaring ito ng gobyerno o palitan ng paggagamitan na makapagbibigay ‘di lamang ng kita para sa pamahalaan kundi makapagdulot din ng kaunlaran at maging produktibo sa lugar kungsaan ito matatagpuan.
Subalit sa mga miyembro gaya ng maimpluwensiyang grupong ito sa Ma-lacañang, nanganganib ang mga proyekto para mapaunlad ang mga pasilidad na ito, kung sa korupsiyon lamang mapupunta ang magandang intensiyon ng BCDA sa mga ito.
Sinisikap pa ng ulat na ito kung paanong mahuhubaran ang mga kasapi sa grupong ito upang maipakilala sa publiko ang kanilang kabuktutang balak na maipanalo ang EML, Lucky Star at SONA sa P2.2 billion project sa Clark, at malagay sa alanganin ang Administrasyong Duterte at magkamal ng malaking halaga ng salapi para sa kanilang mga sariling kapakinabangan.