Advertisers
SA bibig na mismo ni Pangulong Rody Duterte nanggaling na ang mga sinasabi niya noong panahon ng kampanya (para sa halalan 2016) ay yabang lang.
“Alam mo panahon ng kampanya iyon. Hindi siguro sanay itong mga gago na style ko sa kanya. Pati ‘yung bunganga ko ngayon. Nagyabang ako na pupunta ako sa Spratly. Magdala ako ng flag, sakay ako ng jet ski. Panahon ng kampanya ‘yan. At kung naniwala kayo sa kabila, pati si Carpio, I would really say that you’re stupid,” sabi ni Duterte sa manyang lingguhang live ‘public address’ Lunes ng gabi.
Binola nya lang pala ang mga botante noon. Higit 16 milyon ang naniwala na malilinis niya sa iligal na droga ang bansa, mahihinto ang kaliwa’t kanang korapsyon sa gobyerno, mapatigil ang talamak na smuggling, mga karahasan, lalo ang pagpapalayas sa mga Intsik sa ating karagatan sa West Philippine Sea (WPS).
Gumawa rin ng palusot si Duterte sa pag-atras sa hamon niyang debate (sa isyu ng WPS) kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio.
“Nakalimutan ko na si Carpio hindi ang presidente, ako… I might bind future actions of government pagda-ting dito sa West Philippine Sea.
It’s not because I’m afraid of debates. Ilang debate na dinaanan ko nung eleksyon… I would insist on the one issue, issues. Sino ang nagbigay ng possession sa China sa West Philippine Sea? Sila. Kung hindi sila umalis, walang problema.”
Ang nakaraang administrasyon pa ang sinisi rito ni Duterte sa pamumugad ng mga Instik sa WPS. Eh mayroong datus na noong 2012 nang magkagirian ang ating Navy at Chinese Navy sa WPS (South China Sea noon), nagsampa ng kaso ang gobyerno ni Noynoy Aquino sa United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Lumabas ang desisyon ng tribyunal Hulyo 12, 2016 pabor sa Pilipinas. Sinasabi ng tribyunal na walang interes o karapatan ang China sa WPS.
Ang desisyong ito ay inanunsyo pa ni Duterte na “piece of paper” lang, itatapon nya lang sa basurahan. Bagay na lalong nagpalakas sa loob ng China na gumawa ng kanilang mga istraktura sa WPS at mangisda nang mangisda rito ang kanilang mga mangingisda. Ang pinakamasaklap ay ang mangingisda natin ang hindi makapangisda sa lugar. Hinaharang sila, binu-bully, at pag minalas ay sinasagasaan!
May joke pang palusot si Duterte sa ‘di natuloy na pag-jet ski niya sa WPS matapos siyang mahalal noong 2016:
“Nagplano ako niyan. Bumili ako ng jet ski, ang kaya ko secondhand lang. So nag-order ako ng piyesa, hanggang ngayon hindi pa dumating since then. Walang dumating, eh ‘di wala akong magawa.
When I was plotting, nagpa-plot ako kung saan ako magdaan.. ilan naman ‘yung tangke sa jet ski? Kailangan ko ng gasolina, supply. Pagtingin ko, puro dagat. Wala man akong makitang gasoline station along the way. Sabi ko, mahirap ito.”
As usual ang ‘public address’ ni Duterte nitong gabi ng Lunes ay walang napala ang taongbayan na higit isang taon nang naghihirap sa napakahaba nang quarantine dahil sa pandemya ng Covid-19.
Ang Pilipinas nalang ang naka-quarantine simula nang pumutok ang Covid-19. Lahat ng bansa partikular sa Southeast Asia ay normal na, bakunado na ang kanilang mamamayan. Pilipinas nalang ang naghihintay ng bakuna at puros lockdown. Pukaw na mo!!!