Advertisers
HALOS 300 Chinese militia vessels ang nakita sa karagatang sakop ng bayan ng Kalayaan sa Palawan.
Ito’y ayon sa government task force ng West Philippine Sea batay na rin sa kanilang isinagawang pagpapatrolya noong Linggo, ika-9 ng Mayo.
Ayon sa ulat ng National Task Force on West Philippine Sea (NTF-WPS), nasa 287 na Chinese Maritime Militia vessels ang namataan sa Kalayaan waters na kapwa nasa loob at labas ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa kabila pa rin ito ng paulit-ulit nang pakiusap ng mga opisyal ng pamahalaan na i-pull out na ng China ang kanilang mga barko sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Bukod pa rito, isang Chinese Coast Guard vessel din ang namataan sa Ayungin Shoal sa gitna naman ng pagpapatrolyo ng naturang task force noong nakaraang linggo.
Samantala, nanindigan naman ang NTF-WPS na patuloy nilang paiigtingin ang kanilang presenya sa West Philippine Sea upang maprotektahan ang kapakanan at karapatan ng mga mangingisdang Pinoy.
Hinimok din nila ang mga kababayang mangingisda na magpatuloy sa kanilang paglalayag at pangingisda sa WPS.
Samantala, maaring magamit ng bansang China laban sa Pilipinas ang pabago-bagong pahayag ng mga government officials hinggil sa usapin teritorial dispute ng West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef.
Ayon kay Atty. Jay Batongbacal ng UP Institute for Maritime Affairs, suportado niya si Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr. nang magbigay ito ng warning sa ibang opisyal na huwag nang magsalita hinggil sa usapin ng West Philippine Sea dahil ito ay may kaugnayan sa international diplomacy.
Dagdag pa ni Batongbacal, ang mga pahayag ni Roque ay maari pang gamitin ng China, na magpapahina sa claim ng Pilipinas dahil ito ay maituturing na declaration against interest.
Paliwanag pa ni Batongbacal, ang Julian Felipe Reef ay may layong 175 nautical miles sa Palawan, kaya pasok pa ito sa 200 nautical miles na bahagi ng ating Exclusive Economic Zone.
Base rin umano sa Presidential Decree 1596, ang Juan Felipe Reef ay bahagi ng Kalayaan Group of Islands, at kailangan lamang na maging consistent tayo sa ating claim laban sa bansang Tsina at Vietnam.
Nabatid na maging ang bansang Vietnam ay inaangkin na rin ang Julian Felipe Reef.
Tama rin umano na ituloy lang ang diplomatic protest dahil ito ang magiging basehan ng international tribunal sa pagdedesisyon hinggil sa isyu ng territorial dispute. (Josephine Patricio/Jonah Mallari)