Advertisers
NAGLABAS muli ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng mga pagtitipon at mga parties na itinuturing na “super spreader” ng COVID-19.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang mga pagtitipon, parties at kapareho nito dahil maaari itong magdulot ng pagkalat ng COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na noong Hunyo 1 ay nauna nang nilagdaan ng Department of Justice (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang joint memorandum circular, bilang paglilinaw sa mga kaparusahang maaaring ipataw sa mga taong lumalabag sa minimum public health standards (MPHS).
Ayon kay Vergeire, nakasaad din sa joint memo circular na inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng health protocols, kabilang na rito ang pagpigil sa mga malalaking pagtitipon, hanggang sa pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask at face shield, physical distancing at curfew.
Sinabi ni Vergeire na ang mga lokal na opisyal na mabibigong ipatupad ang mga naturang patakaran ay mahaharap sa kaukulang sanction o parusa.
Muli ring nagpaalala si Vergeire sa publiko na manatili na lamang sa bahay kung walang gagawin sa labas para hindi mahawa ng COVID-19 o kumalat pa ang sakit, at para na rin sa kaligtasan ng lahat upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng surge ng virus cases. (Andi Garcia)